Goodbye, Smartmatic!


Tapos na ang eleksiyon at mga aberya pero, ang mga usapin tungkol dito ay hindi pa.
Ang tanong ng bayan, paano na sa susunod na halalan?
Pag-aaralan muna ng Commission on Elections (Comelec) na itigil ang pagkuha sa Smartmatic na gagamiting sistema sa susunod na halalan.
Ito ay matapos banggitin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati sa Filipino community sa Japan na huwag nang gamitin ang Smartmatic sa susunod na eleksiyon at maghanap na ng bago na hindi umano makapanloloko.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, kailangan nila ng ligal na basehan para pagbawalan ang sinumang supplier sa halalan tulad ng Smartmatic.
Aniya, hindi dapat isantabi ang pahayag ng pangulo ngunit, kung maganda itong solusyon para sa susunod na halalan, isa ito sa kanilang ikokonsidera.
Binigyang-diin ni Jimenez ang pag-amin ni Comelec Chairman Sheriff Abas na nagkaroon ng aberya sa halalan pero, wala anilang naganap na anomalya at maling pagbibilang ng mga boto.
Sa ngayon, tapos na rin umano ang kontrata ng Comelec sa Smartmatic.
Matatandaang, nakatanggap ng kritisismo ang Comelec noong midterm polls matapos magkaroon ng problema ang Vote Counting Machines (VCMs) at pitong oras na-delay sa paglalabas ng resulta.
Ngayon pa lang, dapat nang magsimula ang ahensiya sa paghahanap ng ibang paraan upang mawala o mabawasan ang mga aberya at maging mas mabilis ang mga susunod na halalan.





Comments