top of page

Kaalaman tungkol sa Primary Complex

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 28, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Nagkaroon ako ng kasambahay at huli na nang malaman naming may tuberculosis (TB) ito kaya nahawahan niya ang aking 3 years old na anak. Ang sabi ng doktor ay primary complex daw ito at kailangang gamutin agad para hindi lumala. Ngayon ay pinaalis ko na ang kasambahay namin bago pa niya mahawahan ang iba pang miyembro ng aking pamilya. Hindi pa ako nakababalik sa doktor dahil wala pa kaming panahon. Madali lang bang gamutin ang TB? — Miranda

Sagot

Ang primary complex ay uri ng tuberculosis na ang mga bata ang karaniwang apektado. Ito ay kanilang na­ku­kuha sa mga nakatatanda sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahing.

May bacteria na tinata­wag na mycobacterium tuberculosis na nagiging tuberculosis (TB) infection na mas kilala bilang primary complex. Mabilis na naka­hahawa ang sakit na ito, lalo na kapag umubo ang taong mayroong TB at nalalanghap ng bata ang bacteria na galing sa kanya.

Madalas na hindi ito nalalaman ng mga magulang dahil walang sintomas na nakikita sa bata dahil pro­tektado ng immune system ang katawan at nakukulong tuloy ang “germs” sa mga lymph node. Mananatiling walang nakikitang sintomas sa bata hanggang sa humina ang immune system nito.

Kapag nalanghap, ang tuberculosis bacilli ay nana­natili sa baga nang matagal na panahon at maaaring maging tuberculosis. Ayon sa WHO, nasa 10% ng kaso ng primary complex ang nagiging tuberculosis.

Hangga’t hindi nagiging TB ang kondisyon at kaunti pa lang ang bacteria sa baga ng bata, hindi pa ito naka­hahawa. Hindi naipapasa ang primary complex nang bata sa bata kundi mula sa mga nakatatanda papunta sa bata.

Narito ang mga sintomas nito:

  • kawalan ng ganang kumain

  • iritableng pakiramdam

  • kawalan ng interes na makihalubilo sa iba

  • pagbaba ng timbang

  • pabalik-balik na sinat

Paano nalalaman na pri­mary complex ang sakit?

Mayroong tuberculin skin test para malaman kung may primary complex ang bata kung saan ang kaunting dosis ng purified protein derivative ng TB germ ay ini-inject sa braso ng bata. Kapag namaga at nangati ang balat, positibong may primary complex ang bata.

Gayundin, kailangan ng x-ray para makita ang baga ng pasyente at makumpirma ang kondisyon.

Dapat gamutin agad ang kondisyong ito para hindi na lumala pa.

Paano kung lumala ito?

Sa unang stage ng tuberculosis sa bata, inaatake ng bacteria ang baga. Wala pang makikitang sintomas hang­gang 4 o 5 buwan. Maaaring may pulmoniya, tubig sa baga o pag-collapse ng baga. Sa pagkakataong ito magsisi­mulang pumayat ang pasyente at umubo nang malala. Maaari ring kumalat ang impeksiyon at maging sanhi ng iba pang impeksiyon.

Paano maiiwasan ang pagkalat o paglala ng sakit?

Iwasan ang mga taong nagpapakita ng mga sintomas tulad ng pag-ubo sapag­kat maaaring ito ay TB.

Nagagamot ba ito?

May gamot para sa primary complex kaya hindi dapat mabahala. Karani­wang inaabot ang paggamot ng hanggang 6 buwan siguraduhin lang na naiinom ang gamot sa tamang oras at dosage.

Sa unang 4 buwan ng treatment, may 3 klase ng gamot na karaniwang inire­reseta sa pasyente. Sa ika-5 at ika-6 buwan, maaaring bawasan ng hanggang 2 klaseng gamot. Ang dosage ay depende sa timbang ng bata kaya siguraduhing kumonsulta sa pedia, buwan-buwan, lalo na kung mabilis ang pagbigat ng timbang ng bata.

May katagalan ang paggamot sa primary complex at TB at mahalagang masimulan agad ang treatment para hindi lumala.

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page