Dehins lang daw gamit ang dapat paghandaan... ADVANCE TIPS PARA SA PAGBABALIK-ESKUWELA
- Justine Daguno
- May 18, 2019
- 2 min read

MATAPOS ang mahaba-habang summer vacation ng mga estudyante, ilang linggo na lang ay balik-eskuwela na naman.
Panigurado, may ilan sa inyo ang hindi pa nakage-get-over o sinusulit ang mga natitirang panahon ng bakasyon. Kaya para makapag-warm-up na ang mga estudyante ngayong School Year 2019-2020, narito ang ilang tips para sa mga bagets:
1. SNAG SOME SCHOOL SUPPLIES. Habang maaga pa ay ilista na ang mga kakailanganing gamit sa school ni bagets. Maaari tayong gumawa ng checklist upang sure na wala tayong makalilimutan kapag pumunta na tayo sa pamilihan. Para sa mga nagtitipid na momshies, i-check natin ang mga used school supply ng inyong mga anak kung may mapakikinabangan pa rito upang makatipid kayo sa gastusin.
2. ORGANIZE. Karamihan sa mga magulang, lalo na ‘yung mga parehong nagtatrabaho, pabor kung ngayon pa lang ay maayos na ang gamit ng inyong mga anak para hindi kayo maghahabol ng panahon o makikisabay sa dagsa ng mga tao sa mall o iba pang pamilihan.
3. PLAN A SHOPPING TRIP. Kapag ready na ang inyong listahan, nakapag-set na kayo ng araw at lugar ng pamimili ng gamit sa school ng inyong mga anak, walang masama kung isasama natin sila sa ating lakad nang sa gayun ay sila mismo ang pipili ng mga kulay at design para sa kanilang gamit. Isa pa, magandang bonding din ito para sa inyo.
4. TAKE TIME TO TALK TO YOUR CHILD. Ang pag-uumpisa ng klase ang isa sa pinaka-stressful na araw sa mga estudyante, may ilang mga excited at mayroon ding hindi. Ilang linggo bago magpasukan, magbigay kayo ng panahon upang makipag-usap sa inyong anak. Gamitin natin ang pagkakataong ito upang bigyan sila ng payo o tips sa unang araw sa school o sa pagbabalik-eskuwela.
5. ESTABLISH A ROUTINE. Makabubuti kung sasanayin ulit natin sila sa paggising nang maaga at pagkain ng almusal upang madali na lang sa kanila ang gawin ito kapag nag-umpisa na silang pumasok sa school. Oks ito upang maging habit ng bata ang hindi pagliban sa pagkain ng agahan.
6. ALARM CLOCK IS REAL. Hindi na bago ang pahirapan sa paggising sa mga bata. Kaya ngayon pa lang ay maglagay o mag-set na tayo ng alarm clock nang sa gayun ay madaling masasanay ang inyong mga anak sa paggising nang maaga. Bantayan o i-monitor na rin natin ang oras ng kanilang pagtulog upang makasisiguro tayo na sapat ang kanilang pahinga.
7. TALK WITH OTHER FAMILIES. Kung napansin natin na hindi excited o parang nababahala ang inyong anak, bukod sa kausapin natin sila ay makabubuti kung makikipag-usap din tayo sa ibang mga magulang upang mabigyan nila tayo ng payo sakaling nakare-relate sila sa inyong sitwasyon.
8. TAKE A DEEP BREATH! Madalas, mas excited pa ang mga magulang kaysa sa kanilang anak. Okay lang ‘yun, pero dapat tamang chill pa rin tayo dahil baka tayo pa ang dahilan para ma-pressure ang ating anak. Maging handa tayo, pero dapat hinay-hinay lang.
Walang masama kung advance tayong mag-isip, pero tandaan na huwag OA, kumbaga, i-observe o ikondisyon muna natin ang mga bata. Mahalaga ito dahil sila ang sasabak sa paaralan sa mahabang panahon.
Good luck! Copy?





Comments