Kung ipinagbabawal ng batas ang pagpapaskil ng anumang advertisement na naglilimita ng edad ng mga a
- BULGAR

- May 17, 2019
- 2 min read
Dear Chief Acosta,
Dati akong online seller ng mga damit at pabango. Naging maganda ang takbo ng aking negosyo kaya nakaipon ako para magpatayo ng sariling tindahan sa loob ng mall. Ngayon ay may isa pa akong puwesto na bubuksan at kinakailangan ko ng bagong tauhan. Maaari ba akong maglagay sa harap ng aking tindahan ng paskil na “18 to 29 years old lamang ang maaaring mag-apply bilang saleslady”? Sa palagay ko ay mas madali kung ganitong edad ang aking tatanggapin dahil baka mahirapan itong pakisamahan ng iba kong tauhan na mga nasa edad 21 hanggang 26 lamang. — Reine
Dear Reine,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Section 5 ng Republic Act (R.A.) No. 10911 kung saan nakasaad na:
“Section 5. Prohibition of Discrimination in Employment on Account of Age. – (a) It shall be unlawful for an employer to:
(1) Print or publish, or cause to be printed or published, in any form of media, including the internet, any notice of advertisement relating to employment suggesting preferences, limitations, specifications, and discrimination based on age.” (Binigyang-diin)
Samakatwid, malinaw na ipinagbabawal ng batas na kayo ay magpaskil ng kahit na anong advertisement na naglilimita ng edad ng mga maaaring mag-apply sa inyong tindahan. Makabubuti kung huwag na ninyong itutuloy ang planong pagpapaskil ng qualifications ng empleyado na nais ninyong maging tauhan sa harap ng inyong tindahan.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.





Comments