Sa mga sweet tooth diyan, read n’yo ‘to! 3 URI NG DIABETES, ALAMIN!

AYON sa aklat na “Diabetes Head to Toe: Everything You Need to Know about Diagnosis, Treatment and living with Diabetes” na isinulat nina Rita R. Kalyani, Mark D. Corriere, Thomas W. Donner at Michael W. Quartuccio, may mga pagkakataong hindi kaagad nararamdaman ang mga sintomas ng diabetes kaya madalas ay malala na ito bago pa man ma-detect ng doktor kung hindi gagamitan ng iba’t ibang pagsusuri.
Ang ilan sa mga warning sign ng diabetes ay ang madalas na pagkauhaw at pagkagutom, pagkatuyo ng bibig, madalas na pag-ihi (higit sa pitong beses sa isang araw), hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang, panghihina, madaling mapagod, panlalabo ng paningin, pagsakit ng ulo at pangangati ng balat na dulot ng dehydration dahil sa labis na pag-ihi. Madalas ding sintomas ng diabetes ang labis na pagtaas o pagbaba ng lebel ng glucose o sugar sa dugo at ang matagal na paggaling ng sugat.
Ayon kay Debra Manzella ng Corporate Clinical Educator at Catholic Health System, mayroong iba’t ibang uri ng diabetes, ang prediabetes, Type 1 at Type 2.
1. PREDIABETES. Ang prediabetes ay nangangahulugang nagiging resistant sa insulin ang katawan ng may sakit, maaari ring hindi nagpo-produce ang pancreas nang sapat na insulin. Ang glucose sa dugo ay mas mataas kumpara sa normal na bilang, ngunit, hindi gaanong kataas tulad ng diabetes. Ayon sa kanya, “impaired fasting glucose” o “impaired glucose tolerance” ang tawag sa ganitong kondisyon. Ang pagkakaroon ng prediabetes ay warning ng posibilidad na pagkakaroon ng diabetes. Ito ay maiiwasan sa pamamagitan ng wastong timbang at pagkakaroon ng tamang diyeta. At ayon sa report ng Center for Disease Control and Prevention noong 2017, ang prediabetes ay maaaring lumala at umangat sa Type 2 diabetes kung hindi maaagapan at magagamot sa loob ng 5 taon.
2. TYPE 1 DIABETES. Ang Type 1 diabetes ay ang yugto kung saan ang pancreas ay nagpo-produce ng napakababang bilang ng insulin o ang malubha ay hindi na kayang mag-produce ng insulin kaya ang palaging pag-i-inject ng insulin ay kinakailangan sa kondisyong ito. Ayon sa mga eksperto, ang Type 1 diabetes ay naglalabas ng mga sintomas sa loob lamang ng ilang araw o linggo, ngunit, nararapat din na ito ay maagapan sa lalong madaling panahon.
3. TYPE 2 DIABETES. Ang Type 2 diabetes ay ang kondisyon kung saan mayroong sapat na insulin ang katawan, ngunit, hindi ito tinatanggap ng cells ng katawan o ang tinatawag na insulin resistance. Ayon sa National Institute of Health, 95 porsiyento ng kasong diabetes ang naiulat na Type 2 dahil ito ay sakit na nakukuha sa lifestyle, obesity, kakulangan sa pag-eehersisyo, katandaan o kaya ay namamana.
Ayon kay Nicole Galan, rehistradong nars at professional health/medical writer, mas malala at mahirap lunasan ang Type 2 diabetes sapagkat ito ay nade-detect lamang kapag ang glucose level ng biktima ay sobra nang mataas sa loob ng mahabang panahon kaya kapag ito ay na-detect, ang agarang gamutan ay marapat nang isagawa bago pa man dumami ang mga kumplikasyong maaaring maidulot nito.
Oh, ayan mga tropa, now we know! Kaya baguhin na natin ang ating lifestyle bago pa man dapuan ng mga sakit at karamdaman na maaaring humantong sa kapahamakan ng buhay.
Okie?





Comments