Daniel, kahit todo-kampanya para sa padir… ROMMEL, OLATS PA RIN SA PAGKA-CONG.

Anj Cabilla / PAK ANG GANAP!

ILANG actors ang um-exit sa seryeng Ang Probinsyano ni Coco Martin noong magsimula ang campaign period.
Ang FPJAP ang naging daan ng iba para muling sumikat at makilala ng mga tao dahil hataw sa ratings ang tatlong taong action-serye ng Kapamilya Network.
Pero sa kabila ng pagiging parte ng No. 1 action-serye sa telebisyon ngayon, hindi pa rin nakalusot at nanalo sa halalan 2019 ang ilan sa kanila.
Unang-una na rito si Edu Manzano na gumanap na Presidente Cabrera sa serye. Bagama’t talagang tumatak sa mga manonood ang role niya dahil “presidente” na ang naging tawag sa kanya ng karamihan, ‘di pa rin pinalad ang tatay ni Luis Manzano.
Tumakbo si Edu bilang congressman ng San Juan, pero sa kabila ng katanyagan at kasikatan na natamasa sa serye ni Coco ay natalo pa rin siya nang 12,000 votes ng kanyang kalaban.
Hindi rin nakalusot sa mga taga-Porac, Pampanga si Mark Lapid bilang mayor ng nasabing lugar. Sa apat na kumakandidato sa pagka-alkalde, pangatlo ang puwesto ng aktor. Ginampanan ni Mark ang karakter ni Anton Tigre del Mundo sa Ang Probinsyano.
Tumakbo naman sa pagka-congressman sa 1st District sa Cebu si Richard Yap, ngunit hindi rin siya pinalad na manalo. Nakilala ang aktor sa pagganap niyang Ser Chief sa seryeng Be Careful with My Heart, kung saan nakapareha niya ang magaling na aktres na si Jodi Santamaria. Samantala, ginampanan naman niya ang karakter na Philip Tang sa Ang Probinsyano.
Hindi rin pinalad si Roderick Paulate na manalo sa pagka-vice-mayor ng Quezon City. Ginampanan ng aktor ang karakter ni Mayor Adonis Dimaguiba sa serye.
Kahit ama pa ng matinee idol na si Daniel Padilla at kilalang aktor, hindi rin nakalusot si Rommel Padilla bilang congressman ng 1st District ng Nueva Ecija. Gumanap naman bilang Baldo ang aktor sa serye ni Coco.
Lumabas din bilang si Francisco ‘Paco’ Alvarado ang comedian-actor na si Long Mejia na tumakbong congressman ng 1st District ng Camarines Sur, ngunit kagaya nina Edu, Rommel, Richard at Roderick ay hindi rin pinalad manalo si Long.
At kung may hindi pinalad, may ilan din namang nakalusot at nakuha ang boto ng madlang pipol.
Unang-una na nga ang action star na si Lito Lapid na tumakbo bilang senador. Balik uli sa Senado si Leon Guerrero na nakilala bilang si Pinuno dahil sa Ang Probinsyano. Pang-siyam si Lito Lapid sa Top 12 senators.
At siyempre, hindi makakalimutan ng mga manonood ang karakter ni Jhong Hilario bilang si Alakdan, na talagang kinamuhian ng lahat dahil sa pagiging kontrabida niya sa buhay ni Cardo (Coco Martin). No. 1 naman si Jhong sa mga tumakbong councilor sa Makati.





Comments