Bebot na bumagsak sa mga major subject
- ROMA AMOR
- May 16, 2019
- 2 min read

Dear Roma,
Ako si Ara, college student. Palaging sinasabi sa akin ng mga tao na matalino at magaling daw ako. ‘Yun ang tingin sa akin ng mga kaibigan, magulang at mga guro ko. Sa tuwing may dumarating na bisita sina mama at papa, palagi nilang sinasabing proud sila sa akin dahil matalino raw ako at iskolar. Hindi ko na alam ang gagawin ko at nakokonsensiya na ako dahil mula nang nabarkada ako, hindi na ako nakapagpokus sa academics ko, nagagalit sila sa tuwing hindi ako nakasasama sa mga lakad kaya napipilitan akong sumama. Napakahirap, hindi ko alam kung paano ko sasabihin o ipaaalam kina mama at papa na bagsak ako sa mga major subject ko at kailangan ko itong ulitin lahat sa susunod na taon, ang masaklap pa, eh, tanggal na ako sa scholarship. Alam kong malulungkot sila at masasaktan nang husto. Ano ang dapat kong gawin? — Ara
Ara,
Ramdam namin ang iyong pagsisisi sa nangyari. Alam mo, iha, sa pag-aaral, normal na dumating sa punto ang makipagkaibigan at normal lang din ang makaranas na bumagsak. Ang maipapayo namin sa iyo, una, kausapin mo nang mahinahon ang iyong mga magulang. Mas makabubuti kung kayong tatlo lang muna ang mag-uusap-usap nang sa gayun ay walang ibang makasawsaw o makigatong. Asahan mo na ang posibilidad na magalit sila lalo na ang iyong nanay dahil normal lang‘yan sa mga nanay. Pero, kahit pa anong sabihin niyan sa iyo, unawain mo lang at pakinggan. Ikaw ang nakagawa ng mali, kaya marapat lang na tanggapin mo ang consequences. Pangalawa, sa usaping kaibigan, tulad ng una naming nabanggit, hindi masama ang makipagkaibigan, ngunit, dapat ay piliin mo rin ang iyong kakaibiganin. Kung sila ang humihila sa iyo palayo sa mga makukulay na pangarap mo, huwag kang magpapahila, bagkus, sila ang hilahin mo papunta sa kanilang ikabubuti. Kaya mo ‘yan, iha! Malalagpasan mo rin ‘yan at masosolusyunan. God bless you!





Comments