Malinaw ayon sa palad... LALAKING NAKATAKDANG MAGKAROON NG BAGONG PAGKAKATAON


KATANUNGAN 1. Nang makapag-Japan ako, akala ko ‘yun na ang suwerte ng aking pamilya. Maganda sana ang trabaho at sahod ko roon, subalit, nang nakilala ko ang babaeng tawagin na lang nating Clarissa ay nagkaroon kami ng lihim na relasyon, kaya lang hindi ito nagtagal dahil nalaman ito ng aking asawa, kaya nang bumalik ako sa Pilipinas, ang akala ko ay mauunawaan ako ng misis ko, pero, bigla niya akong nilayasan at isinama niya ang aming mga anak dahil may iba na siyang lalaki. 2. Makikipagbalikan sana ako kay Clarissa nang iwanan ako ng misis ko, pero, nasira ang lahat ng plano ko nang malaman kong nagpakasal siya sa Hapon at mula noon ay wala na akong balita sa kanya. 3. Parang huminto ang mundo ko nang nalaman ko ‘yun. Nawalan na ako ng pamilya, nawala pa sa buhay ko si Clarissa. Hirap na hirap na ang kalooban ko ngayon. 4. Sa inyong palagay, may pag-asa pa kayang maka-recover ulit ang kapalaran ko sa sinapit kong buhay ngayon? 5. Wala akong trabaho ngayon at hinihintay ko pa ang mga papeles ko para makabalik sa Japan, kaya lang malabo na yata akong mabalik ru’n dahil isang taon na akong naghihintay at ubos na halos ang lahat ng ipon ko, pero wala pa ring nangyayari. 6. Minsan tuloy, naiisip kong magpatiwakal na lang dahil awang-awa ako sa sarili ko ngayon, lalo na kapag sinisingil ako ng mga pinagkakautangan ko at sa apartment na inuupahan ko sa kasalukuyan. KASAGUTAN 1. Kung magpapatiwakal ka na lang basta-basta, sayang ang buhay na ipinagkaloob sa iyo ng Dakilang Lumikha, lalo na at 42 years old ka pa lang ngayon. 2. Dagdag pa rito, hindi mo ba napansin na napakalinaw at napakahaba ng Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kahit magtangka kang tumalon sa building o kaya ay magpasagasa ka sa kalsada o uminom ng lason, siguradong hindi ito mangyayari sapagkat hindi pa ito ang tamang panahon para mawala ka sa mundong ito. 3. Sa halip, nakatutuwa ang iyong tadhana dahil muling sumikad paitaas ang Career Line o Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) sa kaliwa at kanang mong palad at matapos itong salpukin ng Guhit ng Pambababae (B-B arrow b.) ay muli ngang naka-recover at nagpatuloy muli ang kanyang pag-andar (arrow c.) hanggang sa nakarating ito sa Mount of Saturn na tinatawag din nating Bundok ng Tagumpay at ng mga Katuparan ng Pangarap (arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad. 4. Ibig sabihin, kung wala kang trabaho, girlfriend o pamilya ngayon dahil nga nilayasan ka ng mga taong dating mahalaga sa iyo o mga taong dati mong minahal — huwag kang malungkot dahil siguradong darating din ang saktong panahong muli kang magkakaroon ng isang maganda at matatag na source of income at lahat ng nawala sa iyo ay kusa ring babalik isa-isa. 5. Hindi pa riyan natatapos ang iyong suwerte, sa halip, matapos mabiyak at magulo ang unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow e.), agad naman itong napalitan ng isa muling tumutubo, bago at mas magandang ikalawang Marriage Line (2-M arrow f.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na matapos kang iwanan ng iyong asawa dahil sa ginawa mong pambababae, hindi ka pa rin iiwanan ng iyong suwerteng numerong 13 kung saan sa ikalawa at mas okay sa alright na sitwasyon, muli kang makapag-aasawa at sa muli mong pag-aasawa, may pangako pa rin ng maligaya at panghabambuhay na ikalawang pagpapamilya basta hindi mo na uulitin ang dati mong pambababae. MGA DAPAT GAWIN 1. Sinasabing, ang mga sugarol ay nauubos din ang suwerte, pero, sa totoong buhay ay hindi naman, as long as, humihinga ka pa at lumalaban. 2. Hindi nauubos ang suwerte at palaging nand’yan lang kung saan-saan nakakalat higit lalo sa mga taong nagtataglay ng mga birth date na 4, 13, 22, 31, 1, 10, 19 at 28. 3. Para ring kuwento ni Job na nakasulat sa Bibliya. Walang anu-ano’y biglang naubos ang kanyang kayamanan, ngunit, isang araw, pagmulat ng kanyang mga mata, parang nanaginip lamang si Job, ibinalik muli ng Diyos ang lahat ng mga pag-aari niyang nawala ng higit pa sa kanyang inaasahan. 4. Sabi sa Bibliya, “ang kabuhayan ni Job ay ibinalik ni Yahweh sa dati. Dinoble pa ni Yahweh ang kabuhayan ni Job. Nagkaanak pa si Job ng pitong lalaki at tatlong babae. Si Job ay nabuhay pa ng 140 taon. Nakabuhayan pa niya ang kanyang mga apo sa ikaapat na salinlahi bago siya namatay”. (Job 42: 10-16). 5. Kaya anumang pagsubok ang dinaranas mo ngayon. Ikaw na nagbabasa ng artikulong ito, huwag kang mawawalan ng pag-asa. Alalahanin mong palagi ang naging buhay ni Job kung paanong siya ay binigyan ng matinding pagsubok ng tadhana, ngunit, ibinalik din ng Diyos nang sobra-sobra pa ang lahat ng mga biyaya at pagpapala kay Job. 6. Habang, ayon sa iyong mga datos, Norman, kahit na ngayon ay nawalan ka ng trabaho, kabit, asawa at pamilya, umasa kang darating ang panahon na magkakaroon pa ng “second chance” ang iyong buhay. 7. Sa taong 2021, sa buwan ng Abril, panahon ng tag-araw, pagmulat na pagmulat ng iyong mga mata, may mag-aalok muli sa iyo ng regular at magandang trabaho at sa panahong ‘yun, bago sumapit ang edad mong 44, muling ibabalik ng tadhana ang lahat ng nawala sa iyo tulad ng bago at magandang career, mas masayang pamilya na panghabambuhay mo ng makakasama, hatid ng sexy at magandang babaeng nagtataglay ng zodiac sign na Libra.




Comments