Ahas na kulay dilaw na nanunuklaw

Salaminin natin ang panaginip ni Genalyn ng Gen_Genalyn_Orongan@face-book.com
Dear Professor,
Nanaginip ako ng malaking ahas na kulay dilaw tulad ng nakikita sa zoo.
Itinuro ko ito sa kuya ko para alagaan niya, pero sabi niya ay may alaga na siyang ahas.
Biglang naging payat at kulay itim ‘yung ahas at saka tinuklaw sa likod ang kuya ko at bumagsak sa sahig.
Nabigla ako at hindi makagalaw kaya ako naman ang tinuklaw sa tagiliran ng ahas, hinawakan ko sa ulo ang ahas at saka ibinato ko ito sa malayo.
Ano ang ibig sabihin nito, puwede ba akong makahingi ng orasyon para maging mapagbigay sa akin ang mga kapatid ko na mararamot?
Salamat!
Naghihintay,
Genalyn
Sa iyo Genalyn,
Narinig mo na ba, iha, ang kuwento tungkol sa unang babae sa mundo na si Pandora? May nakita siyang box na maganda at dahil sa curiosity ay binuksan niya ito.
Nang mabuksan ni Pandora ang box, laking-gulat niya nang biglang naglabasan ang mga kung anu-anong pangit na bagay.
Tulad sa panaginip mo, maganda ang malaking ahas na kulay dilaw tulad ng nakikita sa mga sikat na zoo.
Ang moral lesson ay nagsasabing, ang curiosity ay kadalasang dahilan ng mga karanasan na hindi maganda na sa huli ay pagsisisi ang napapala.
Ang ahas na dilaw na nakikita sa zoo ay hindi ahas sa Pilipinas, ito ay ahas mula sa ibang bansa.
Kaya ang sabi ng panaginip mo, huwag na huwag kang matutukso na makipag-chat sa mga foreigner nang sa gayun ay hindi pumangit ang iyong kapalaran.
Ito ay nagbababala na huwag kang makikipagrelasyon sa hindi mo kakilala o sa mga bagong kaibigan na hindi mo naman lubusang nakikilala pa.
Pero, higit sa lahat, huwag kang tumulad sa mga nagmahal ng dahil lang sa guwapo o maganda ang hitsura.
Totoo ang kasabihan na “beauty can deceive”, ito ang ilagay mo sa iyong isipan dahil ito ang pinakapayo ng iyong panaginip.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments