Alamin mula kay Maestro... KAPALARAN NG MGA TANDANG SA BUHAY-PAG-IBIG
- BULGAR

- May 5, 2019
- 2 min read


BUKOD sa inaakala ng Tandang na siya ay matalino, siya ay sobrang perpeksiyunista, kaya ayaw na ayaw niyang nakakikita ng mga bagay na may mali at may kapintasan. Kumbaga, galit siya sa pangit at sa mga bagay na hindi nakaayos, kaya siya rin ay dakilang mamimintas.
Sa kabila nito, palagi siyang may solusyon sa mga pangit at hindi magagandang mga bagay. Kaya ikinatutuwa niyang mag-isip nang mag-isip kung paano itatama ang mga mali na nakikita niya at kung paano pagagandahin ang mga bagay na may kapintasan.
Ito ang isa sa nagpapasaya sa buhay ng Tandang, ang mag-analisa ng kung anu-anong mga bagay sa silong ng langit, kaya inaakala talaga ng Tandang na siya ay tunay na matalino dahil sa ugali niyang palaisip at mahilig mag-analisa.
Kadalasan, tama ang naiisip niyang solusyon sa mga pangyayari. Ang problema lang, hindi niya kaagad naipatutupad ang solusyon o ang kanyang mga ambisyon, binabalak at mga plano sa buhay dahil ayaw na ayaw ng Tandang na kumilos nang may kulang pa o hindi pa masyadong perpekto ang partikular na proyekto.
Kaya ito ang nagiging pangunahing dahilan kung bakit nabibigo, hindi umuunlad at hindi ganap na yumayaman at minsan ay hindi rin nagiging maligaya ang Tandang.
Tulad ng nasabi na, nangyari ito dahil sa kaiisip niya at sa pagiging sobrang perpeksiyunista, ‘yung tipong, gagawin na lang ang bagay na tiyak namang mapagwawagian o ikauunlad niya ay hindi kaagad niya ito nagagawa nang mabilis.
Dahil sa kakuparang ito ng Tandang na ma-execute ang mga plano niya sa buhay, tumatagal tuloy bago niya mapitas ang napakalaking tagumpay na matagal nang inilaan sa kanya ng kapalaran.
Gayundin sa pag-ibig, dahil hindi niya ma-execute o maibulalas sa napupusuan niyang babae o lalaki ang pagmamahal niya o kaya ay minsan, kasama na niya ang babae o lalaking magpapaligaya sa kanya, pero pinipintasan pa rin niya at hinahanapan ng kapangitan, ang mga bagay na ito ang sadyang nagiging hadlang upang ang Tandang ay ganap at tuluyan na sanang uunlad, magtatagumpay at magiging maligaya.
Kaya kung ikaw ay Tandang, dapat huwag mo nang pangarapin pang ma-perfect ang partikular na bagay, sa halip, kahit na may kaunting mali, mas mainam na ipatupad mo na kaagad ang iyong layunin o binabalak upang hindi ito maantala o hindi mainip ang tagumpay na matagal ka nang hinihintay dahil ang tagumpay na ito, perfect man o hindi ay sadyang nakalaan sa iyo bago ka pa isinilang.
Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, huwag mo nang i-perfect ang inyong ugnayan. Oo, mas mabuting hayaan mong may mali upang kahit may bahagyang mali sa relasyon ay maitatama at maitutuwid din ito habang kayo ay patuloy na nag-aalalayan at nagpapadama ng wagas na pagmamahalan sa isa’t isa.
Sa ganu’ng paraan, sa sandaling natanggap na ng Tandang na hindi talaga perfect ang mundo at walang relasyon na walang maling kapintasan dahil ang mga ito ay bahagi lamang ng natural nating buhay sa mundo, ru’n lamang lubusang matatamasa ng Tandang ang bonggang-bonggang tagumpay at wagas na kaligayahan ngayong 2019.
(Itutuloy)




Comments