Malinaw ayon sa palad... MAG-ASAWANG NAKATAKDANG UMASENSO KUNG MAY TUWID NA HEAD LINE


KATANUNGAN
Bakit hanggang ngayong nakapag-asawa na ako at nagkaanak ay hindi pa rin kami nakaaahon sa hirap?
Ito na kaya ang aking tadhana, ang tumanda at mamamatay nang walang kaginhawahang naramdaman sa buhay?
Pangarap naming mag-asawa na makapagtapos sa pag-aaral ang aming mga anak dahil pareho kaming hindi nakapag-aral ng asawa ko. Sa palagay ninyo, Maestro, matutupad kaya ang pangarap naming ito o sadyang nakaguhit na sa aming mga palad ang kahirapan na maaaring maipamana namin sa aming mga anak at magiging apo?
Ano ang dapat naming gawin upang magbago ang aming kapalaran at may pag-asa pa kayang umunlad ang aming buhay kahit kaunti lang?
KASAGUTAN
Nangyaring ganyan ang kapalaran mo, Janet, dahil parehong “sloping” na mahaba ang Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa kasalukuyan, kulang na kulang kayong mag-asawa sa praktikalidad at pagkilos.
Sa sandaling sloping ang Head Line (arrow a.) ng indibidwal, ito ay tanda na puno siya ng mga pangarap at magagandang ambisyon, ngunit, tulad ng nasabi na, dahil sloping na mahaba ang Head Line, tila hindi mo kayang bigyan ng katuparan ang iyong mga pangarap at ambisyon sa buhay.
Dahil dito, hindi sinasabing wala ka ng pag-asa, sa halip, kailangang matagpuan sa guhit ng mga palad ng iyong mister ang simple, straight o tuwid na Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow b.).
Subalit, kung hindi ganyan ang Head Line (arrow b.) sa kaliwa at kanang palad ng iyong mister, tulad ng iyong inaasahan, wala na ngang pag-asang umunlad at umasenso pa ang inyong pamilya, maliban na lang kung ang isa sa mga anak ninyo ay nagtataglay ng tuwid na Head Line (arrow b.) sa kaliwa at kanan niyang palad.
Kung saan sinuman sa anak mo ang pinagkalooban ng nasabing Head Line, tiyak ang magaganap, sa susunod na pag-ikot ng mundo, sa darating pang mga taon ng kanyang buhay, posibleng ang anak ninyo na may straight Head Line (H-H arrow b.) ang siya na ngang mapalad na anak na mag-aahon sa inyo sa kahirapan.
MGA DAPAT GAWIN
Tandaang, kapag pagyaman at materyal na tagumpay ang kailangan, napakahalaga ang porma o pagkakaguhit ng Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a. at b.) sa kaliwa at kanang palad.
Kaya ang unang-unang titingnan kung ang tao ay uunlad at aasenso sa buhay, partikular sa materyal na bagay, dapat simple lang ang guhit sa kaliwa at kanan niyang palad.
Pangalawa, kailangang straight at maikli ang kanyang Head Line (arrow b.); pangatlo, kailangang makapal at may enerhiya ang kaliwa at kanang palad kapag ito ay kinapa o sinalat-salat.
Sa sandaling may ganyang guhit ng palad ang isa sa inyong mga anak o kaya ang iyong mister, tiyak ang magaganap, malaki ang pag-asa na makaaahon kayo sa kahirapan at tuluyang umunlad na ayon sa Decadens ng Kapalaran ng inyong pamilya ay posibleng mangyari sa taong 2025, sa edad mong 54 pataas.




Comments