Masyado raw kayong perfectionist, mga lodi! MGA PANINIWALA TUNGKOL SA PAGKATAO NG MGA TANDANG
- BULGAR

- Apr 30, 2019
- 3 min read

SA pagkakataong ito, ang pangunahing katangian at sadlakang kapalaran ng animal sign na Tandang o Rooster ngayong 2019 ang ating tatalakayin.
Tandaang, ikaw ay mapabibilang sa Year of the Rooster kung ikaw ay isinilang noong mga taong 1933, 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005 at 2017.
Ang Year of the Rooster ay pinaghaharian ng impluwensiya ng planetang Mercury sa Western Astrology at siya ring kumakatawan sa zodiac sign na Virgo.
Sinasabing ayaw na ayaw ng mga Tandang ang hindi organisado at may magulong buhay, kaya pinipilit nilang maging maayos ang lahat.
Bukod sa pagiging maayos at organisado, gustung-gusto rin ng mga Tandang na nakaplano ang lahat ng bagay at matapos planuhin ay pinaghuhusayan talaga niyang mabuti na masunod kung anuman ang nakaplano sa kanyang mga pangunahing gawain at ambisyon sa buhay.
Kapag wala sa plano, wala siyang balak na gawin ito dahil para sa kanya, ang buhay ay napakalaking plano.
Dahil sa ugaling ito ng Tandang, maraming magaganda at masasayang oportunidad tuloy ang nakalalagpas sa kanyang buhay dahil para sa kanya, hindi puwedeng gawin, aturgahin o sunggaban kaagad ang mga bagay na hindi nakaplano.
Sa totoo lang, galit ang Tandang sa “surprise” dahil para sa kanya, “walang sorpresa sa buhay” dahil ang lahat ay pinagpaplanuhan bago mangyari at matupad.
Dagdag pa rito, inaakala ng Tandang na siya ay napakahusay sa pamamahala at kung siya ang masusunod, nais niyang sumunod sa kanya ang lahat ng kanyang nasasakupan nang pikit-mata dahil para sa kanya, batid niyang huhusay at bubuti ang buhay o ang pangyayari sa sandaling siya ang nasunod at namahala.
Habang namamahala at nag-oobserba, madaling napapansin ng Tandang ang mga simpleng pagkakamali at kapangitan o kaya ay kakulangan. Sa sandaling napansin niya ito, tiyak na ito ay sasabihin at ipagkakalat niya kaagad dahil para sa kanya, bawal ang magkamali at ang lahat ay dapat perpekto at magandang-maganda.
Dahil sa pagiging sobrang kritiko at palapintas, kadalasan tuloy ay hindi niya namamalayan, naaasar at nilalayuan na siya ng kanyang mga kaibigan dahil lumalabas na magaling ang Tandang kahit hindi naman.
‘Yun kasi ang palaging nararamdaman ng Tandang sa kanyang sarili na siya ay napakatalino at napakagaling.
Kaya lang sa tuwing ipakikita niya ang pagiging matalino at magaling niya, hindi sinasadyang pinalulutang niya ang pagkakamali at kapangitan ng mga taong nakapaligid sa kanya.
Hindi lang palapintas at perpeksiyunista ang pangunahing ugali ng Tandang dahil mahilig din siyang makipagdebate at makipagtalo. Asahan mong habang siya ay nagpapaliwanag, tunay ngang ang galing-galing niya kaya halos napaniniwala niya ang nakikinig at nanonood sa kanya.
Ang problema lamang, kapag may nakadebate na ang Tandang, asahan na kahit na maling-mali na siya ay hindi siya aamin sa kanyang pagkakamali, sa halip, maghahanap pa rin siya ng palusot upang hindi mo mapangalandakan ang kanyang kamalian.
At dahil may pagkaperpeksiyunistang nilalang ang Tandang, ayaw na ayaw niyang makakakita ng pagkakamali at ayaw na ayaw niya ring nagkakamali kahit minsan.
Subalit, kapag obvious na nagkamali ang Tandang at napansin niyang ganu’n ang nangyari, tulad ng nasabi na, tatawanan lang niya ito, pero tiyak na hinding-hindi niya aamining siya ay nagkamali.
Kaya kung ikaw ay may boyfriend o girlfriend na Tandang, mas mainam pang iwasan mo na ang pakikipagtalo o pakikipagdebate sa kanya dahil tiyak na hindi ka mananalo sa pilosopo at mahilig magpalusot na Tandang.
Kung ikaw naman ay nagkataong nakapag-asawa ng tipikal na Tandang, kailangang maging handa kang makinig sa mga katwiran niya at habaan mo ang iyong pasensiya upang lalo pang lumawig at lumigaya ang inyong pagmamahalan, habambuhay.
(Itutuloy)




Comments