top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Kaalaman tungkol sa gout

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 26, 2019
2 min read

Dear Doc. Shane,

Ako ay 48 years old, ilang araw nang masakit, namamaga at namumula ang aking hinlalaki sa kaliwang paa kaya nahihirapan akong maglakad. Sa palagay ko ay gout ito kasi naalala ko dati na may ganito ang tatay ko. Bakit nagkakaroon nito ang nagkakaedad na at ano ang sanhi at paano ito maiiwasan? — Alwin

Sagot

Ang gout ay nangyayari kapag mayroong naipong “urate crystals” sa kasukasuan. Ang “urate crystals” ay nabubuo kapag mataas ang lebel ng uric acid. Ang uric acid ay uri ng dumi sa katawan na nasa dugo at ito ay resulta ng pagbe-breakdown ng mga substansiyang tinatawag na purine.

Sa normal na proseso, ang uric acid ay nalulusaw sa dugo at dumaraan sa kidney, pagkatapos ay lumalabas sa katawan kasama ng ihi ngunit, kapag ang katawan ay gumagawa ng labis na uric acid at hindi ito maayos na nailalabas ng kidney, naiipon at nabubuo ito na parang matutulis at malakarayom na kristal na karaniwang makikita sa hinlalaki ng mga paa. Ang kasukasuan ng mga tuhod at kamay ay maaari ring tamaan ng gout.

Narito ang ilang sintomas ng gout:

  • Masakit na kasukasuan na karaniwang nararamdaman sa hinlalaki ng mga paa. Ang sakit ay mas grabe sa unang 12 hanggang 24 oras matapos itong magsimula.

  • Hindi maigalaw na bahagi ng joint at napakakirot kahit masaling lang.

  • Namumula at namamaga ang apektadong kasukasuan.

  • Mainit ang apektadong bahagi kapag hinahawakan.

Narito ang ilang dahilan ng pagkakaroon ng gout:

  • Namana sa mga magulang o nasa lahi — mataas ang posibilidad na magkaroon ng gout ang tao kung may miyembro ng pamilya na may gout.

  • Pagkain — mayroong mga pagkain na nagpapataas sa level ng uric acid, may tsansa na magkaroon ng hyperuricemia at magresulta sa gout.

  • Edad at kasarian — ang karaniwang tinatamaan ng gout ay ang kalalakihan, lalo na ang mga nasa pagitan ng 40 at 50-anyos.

  • Medikal na kondisyon — ayon sa Mayo Clinic sa USA, ang gout ay maaaring umatake dahil sa ilang medikal na kondisyon tulad ng alta-presyon na hindi nagagamot, diabetes, mataas na fat at kolesterol sa dugo (hyperlipidemia) at pagkipot ng mga artery (arteriosclerosis).

Paano ito maiiwasan?

  • Panatilihing wasto ang kondisyon at kalusugan ng katawan.

  • Ugaliing balanse ang pagkain.

  • Pagpapanatili ng wastong timbang.

  • Iwasan ang mga pagkaing nakatataba.

  • Ugaliing kumain ng gulay.

  • Ugaliing magkaroon ng regular na pag-eehersisyo.

  • Iwasan ang pag-inom ng alak.

  • Iwasan ang mga pagkaing mataas sa purine na nakapagdudulot ng gout tulad ng ilang uri ng isda, pulang karne, mga kabuti, laman-loob ng mga hayop at iba pa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page