Alamin mula kay Maestro... KATOTOHANAN TUNGKOL SA BUHAY-PAG-IBIG NG MGA UNGGOY NGAYONG TAON
- BULGAR

- Apr 26, 2019
- 2 min read


SA pag-ibig, kung ikaw ay dalaga, binata o kaya ay wala pang nagmamay-ari ng iyong puso, sinasabing mahihitik sa ligaya at masarap na pakikipagrelasyon ang buhay ng Unggoy ngayong Taon ng mga Baboy. Darating nang bigla ang iba’t ibang klase ng romansa, ngunit, sa sandaling hindi mo ito iningatan tulad ng mumunting hamog sa gilid ng dahon tuwing umaga, may posibilidad na mabilis itong maglalaho.
Sa mga magkasintahan o dati ng may karelasyon, sinasabing may mga tampuhan at hindi pagkakaunawaang maaaring maganap, ngunit, anumang problema, paghihiwalay o samaan ng loob ang mangyayari, ang lahat ng ito ay mag-iiwan ng positibong aral sa buhay ng Unggoy upang lalo pang mapaunlad ang kanyang personalidad na tutulong o magdadala sa kanya upang sa susunod niyang pakikipagrelasyon ay makamit na niya ang maligaya at panghabambuhay na pag-ibig.
Sa kabilang banda, anuman ang mga kumplikadong bagay na magaganap sa buhay-pag-ibig ng Unggoy ngayong taon, isa lang ang sigurado. Sabi nga sa wikang banyaga, “one lost, ten found” na nangangahulugang mawala man ang ilang relasyon, marami naman itong magiging kapalit na pansamantalang ikaliligaya ng Unggoy na sa totoo lang, ‘yun din ang hanap niya sa buhay, ang hindi magpatali sa iisang relasyon, sa halip, unconsciously, nanaisin ng Unggoy na dumanas ng iba’t ibang lasa ng pag-ibig, partikular ngayong 2019.
Ngunit, kung ikaw ay Unggoy na may asawa na at masayang pamilya, sinasabing ngayong Taon ng mga Baboy lalong titibay at sasarap ang inyong pagmamahalan na magiging daan upang lalo pang umunlad at lumago ang kabuhayan ng inyong pamilya.
Sa pag-ibig, pag-aasawa at maging sa romansa, tugmang-tugma sa Unggoy ang Daga na mahilig ding sumuri at mag-analisa ng problema kung saan ang relasyong Unggoy at Daga ay may malaki ring posibilidad na umunlad at yumaman dahil kapwa sila magiging mahusay sa paghawak ng pera at pagpapalago ng kabuhayan.
Kaakit-akit sa Dragon ang katusuhang ipinamamalas ng Unggoy habang ang Unggoy naman ay handang magpaubaya sa pagiging dominante ng Dragon, kaya sila ay kapwa makabubuo ng masarap at kaaya-ayang relasyon.
Madali ring masasakyan ng maramdaming Kuneho, utu-utong Tupa o Kambing, pagala-galang Aso, matalinong Kabayo at masipag na Baka ang ugali ng Unggoy, ibig sabihin, ang lahat ng nasabing mga animal sign ay sadyang ka-compatible ng Unggoy.
Ngayong 2019, sadyang magiging paborable sa Unggoy ang panahong mula sa ika-5 ng Abril hanggang sa ika-4 ng Mayo mula sa ika-5 ng Mayo hanggang sa ika-10 ng Hunyo mula sa ika-5 ng Hulyo hanggang sa ika-5 ng Setyembre at mula sa ika-26 ng Nobyembre hanggang sa ika-25 ng Disyembre.
(Itutuloy)




Comments