Galit na galit, panganganak ni Julia, ayaw aminin… SIGAW NI COCO: 'WAG N'YONG PAKIALAMAN ANG
- BULGAR

- Apr 22, 2019
- 3 min read

FINALLY ay nagbigay na ng pahayag si Coco Martin hinggil sa mga issues regarding his private life na talaga namang laging talk of the town, lalo na nga lately dahil na rin sa intriga about him and Julia Montes, idagdag pa ang hindi mamatay-matay na tsismis sa kanila ng leading lady niya sa FPJ’s Ang Probinsyano na si Yassi Pressman.
Kahapon ay nag-post si Coco sa kanyang Instagram account ng isang mahabang mensahe patungkol sa aniya ay naninira sa kanya. Wala siyang tinukoy na pangalan pero sa mga statements niya, isang tao lang ang kanyang pinatutungkulan.
Halata sa mensahe ni Coco na galit siya at sa totoo lang, ngayon lang namin siya nakitang nagsalita nang ganito katitinding mga pananalita.
Nag-post si Coco ng larawan nila ng kanyang Lola Matilde na kasama niya sa Japan. Nagtungo ang team ng FPJAP sa naturang bansa para sa Kapamilya Fiesta World.
Kalakip ng larawan ay isang mahabang caption.
“Mahirap lang ang buhay namin, simple pero mapayapa. Hindi kami ng aapi (read: nang-aapi) at ng aagrabyado (nang-aagrabyado) ng tao at lalo hindi po kami nakikielam ng buhay ng ibang tao.
“Sabi sa ‘kin ng Lola ko ang mga tao mahilig pag-usapan ang buhay ng ibang tao ay ang mga taong walang magawa sa buhay nila kaya kaysa ayusin nila ang buhay nila at alagaan ang kanilang mga anak, ang kanilang mga magulang, magsumikap sa kanilang trabaho at mag-aral ng mabuti, mas inilalaan nila ang oras at panahon nila para pag-usapan ang buhay ng ibang tao para manira!” ang unang bahagi ng caption ni Coco.
Kasunod nito ay ang paliwanag ng aktor sa hindi niya pagkibo at pagpatol sa mga bagay na marahil, ang mga issues sa kanya ang kanyang tinutukoy. May tao rin siyang pinatutungkulan na hindi na niya tinukoy kung sino.
“Ang hindi ko pagkibo at hindi pagpatol sa mga bagay na hindi kauunlad ng ating bayan ay hindi kabaklaan. May kanya-kanya tayong buhay at tayo ang may dedesisyon (read: magdedesisyon) kung pano natin patatakbuhin ito at sa aking palagay, wala akong nagawang masama sa ‘yo kung sino ka man, hindi ko kailangan ang mga masasakit na opinion mo!” patuloy ng aktor.
Pag-apela pa ni Coco, meron din daw siyang pribadong buhay at huwag naman sanang pagkuwentuhan ang buhay niya.
“Nagtatrabaho lang ako at meron din akong pribadong buhay ‘wag naman sana ang buhay ko ang pagkuwentuhan n’yo dahil hindi interesado (read: interesante) ang buhay ko. Mas maganda siguro humanap tayo ng ibang kapaki-pakinabang na pag-uusapan para sa ating lipunan para may maiambag naman tayo sa ating bayan!” aniya.
Tinapos ni Coco ang post sa pamamagitan ng pangangaral sa taong aniya ay naninira sa kanya.
“Salamat sa pagbigay mo ng panahon para pag-usapan ang buhay ko. Ang trabaho ko ay umarte at bigyan ng buhay ang mga character na ginagampanan ko. Tahimik po ako na nagtatrabaho at namumuhay, kaya mas makakabuti siguro ang buhay mo na lang ang ikuwento mo, sigurado ako mas interesante ang buhay mo!
“Sana lang, bago ka mawala sa mundo, alam mo sa sarili mo na may naibahagi kang kabutihan sa iyong kapwa, hindi puro paninira! Pasens’ya ka na, ang desisyon ko ay panatiliing (panatilihing) tahimik ang buhay ko at sana, naiintindihan mo!!! God bless...” ang pagtatapos ng aktor.
Kasunod nito ay nag-post din si Coco ng isang art card kung saan ay mababasa ang quotation na: “If you don’t know the whole story, shut up.”
Kapansin-pansin din na disabled ang comments section sa mga naturang posts ng aktor.





Comments