top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Malinaw ayon sa birthday... BABAENG NAKATAKDANG UMUNLAD SA ANAK NA AMPON

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 16, 2019
  • 3 min read

Dear Maestro,

Tindera ako ng tinapa, kaya araw-araw ay mag­hapon akong naglalako habang sunung-sunong ko ang apat na patong ng bilao na may lamang iba’t ibang uri ng mga isda.

Ang asawa ko naman ay pahinante sa ricemill. Mahilig siyang tumaya sa lotto, pero hindi pa siya tumatama. May kayabangan din siya at waldas sa pera.

Pagdating ng hapon, kapag maganda ang kinita niya ay umiinom na sila ng mga kaibigan niya habang nagto-tong-it, kaya wala ring natitira sa kanyang kinikita.

May isa kaming anak na nag-aaral sa high school, adopted siya kasi hindi na ako puwedeng magkaanak. May pag-asa pa kayang umunlad ang buhay namin at ma­pagtapos ko ng pag-aaral ang kaisa-isa naming anak?

Susuwertehin din kaya kami sa kanyang paglaki? October 17, 2005 ang birthday ng anak namin ha­bang January 3, 1972 naman ang birthday ko at ang asawa ko naman ay August 10, 1973.

Sa palagay ninyo, makaaahon kaya kami sa ka­hirapan at gaganda din ba ang buhay namin balang-araw?

Umaasa,

Mrs. Capricorn ng Wakas, Bocaue, Bulacan

Dear Mrs. Capricorn,

Sabi ng American football player na si Reggie White, “God places the heaviest burden on those who can carry its weight.”

Ibig sabihin, hindi ka bibigyan ng malaking pasanin sa buhay tulad ng matinding kahirapan na nangyayari sa pa­milya mo ngayon kung hindi mo ito makakayanang buhatin at malagpasan.

Samantala, Mrs. Capricorn, alalahanin mong ganyan ta­laga ang buhay ng Capricorn tulad mo higit lalo kung sad­yang saksakan ng hirap o walang-wala talaga ang pi­nanggalingan ng kanyang pamilya noon pa man.

Kung tutuusin, tila ba inilaan na talaga sa kahirapan at pagtitiis ang kanyang kapalaran, pero siyempre dahil ang mga Capricorn ay pinaghaharian ng planetang Satur­no, pag­katapos ng mga tiisin at paghihirap, darating din ang pana­hong tuluy-tuloy silang uunlad at magiging maligaya.

Samantala, wala namang nakikitang magandang pag-asa sa mister mong isinilang sa petsang 10 sapagkat alam nating lahat na ang mga taong uno, bagama’t, likas na ma­suwerte at may maganda sanang kapalarang tinataglay, ang problema nga lamang sa kanila ay sadyang magaling lang sila sa aspetong pagbabarkada.

Oo, tila ang kaligayahan nila ay panlipunan, pang­kai­bigan at pamomolitika, pero kapag sarili niyang pa­milya ang kinumusta, tunay ngang hindi siya ganu’ng kadedikado kung ikukumpara sa pagiging palabigay at palatulong sa iba.

Kaya ang dapat sa mister mo ay kumandidato o kaya naman ay makaisip ng negosyo o pagkakakitaan habang siya ay nakikihalubilo at masa­yang-masayang bumabar­kada.

Gayunman, tulad ng nasabi na, dahil ang mga taong uno ay may likas pa ring suwerte at magandang kapala­ran, basta hindi nadi-disturb o naaabala ang kanilang isi­pan, sa bandang huli, kahit papaano, bigla rin silang ma­katiti­sod ng hindi inaasahang napakalaking suwerte.

Bukod sa sarili niyang birth date o numero na may sumatutal na 1 tulad ng mga numerong 10, 19, 28, 37 at iba pang kauri nito, mapalad din siya sa lahat ng mga numerong may sumatutal na 4 tulad ng 13, 22, 31, 40 at iba pang kauri nito.

Kusa namang iigting ang mabuting kapalaran ni mis­ter mula sa ika-20 ng Nobyembre hanggang sa ika-22 ng Dis­yembre, mula sa ika-20 ng Marso hanggang sa ika-22 ng Abril at mula sa ika-20 ng Hulyo hanggang sa ika-22 ng Agosto. Sa mga panahong ‘yun, dapat siyang makipagsapalaran dahil ang nasabing mga petsa ang pinakamasuwerte para sa kanya.

Samantala, ang iyong anak naman na isinilang noong October 17, 2005 ay tulad mo rin, magdaraan din siya sa maraming kahirapan at pagsubok sa buhay, ngu­nit, kung siya ay may pagka-chubby o mataba at nag­kataong may malaki siyang nunal sa mukha, darating at darating din ang panahong siya ay tiyak na bibigyan ng magandang kapalaran ng langit, sa larangan ng pag-a-abroad, pag­nenegosyo o kaya ay pag-aasawa kung saan pagtuntong niya sa edad na 35 pataas, susuwertehin na siya.

Samantala, ituloy mo lang ang pagtitinda ng tinapa habang sinisikap mong patapusin sa pag-aaral ang kaisa-isa mong anak sapagkat tulad ng nasabi na, darating at darating din ang saktong panahon na ang kaisa-isang anak na nabanggit na isinilang sa petsang otso 17 o 8 (ang 17 ay 1+7=8) ang siya na ngang mag-aahon sa inyo sa kahirapan hanggang sa tuluy-tuloy na kayong umunlad at yumaman.

Tulad ng nasabi na, ang pagdating ng magandang kapalaran sa tulong ng inyong anak ay inaasahan at ta­lagang magaganap sa taong 2039, sa edad niyang 34 pataas. Kaya ang isa pang dapat mong gawin ngayon ay ingatan ang iyong kalusugan upang kung saka-sakali mang marating ng anak mo ang matagumpay na pamu­muhay ay abutan mo itong malakas at masigla ka pa kung saan, sa nasabing panahon, sa edad mong 67 pataas ay makatitikim ka na ng maunlad at masaganang pamu­muhay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page