BLUE EAGLES, GINURLISAN NG UP ANG LIDERATO SA UAAP FOOTBALL


NAGTABLA sa 1-1 ang Katipunan-based squads, Ateneo de Manila at defending champion University of the Philippines, sa kanilang tapatan na naging dahilan ng pagkalaglag ng Blue Eagles sa liderato ng UAAP Season 81 men’s football tournament noong Linggo ng hapon sa FEU-Diliman pitch.
Naunang naka-goal ang Fighting Maroons sa pamamagitan ni King Miyagi sa fifth minute ng laro bago nakatabla ang Blue Eagles matapos ang goal ni Rupert Baña sa tulong ni Mark Nacional pagkalipas ng apat na minuto. Naging mas mahigpit ang depensa ng magkabilang panig na naging dahilan kaya wala ng naka-goal hanggang sa matapos ang laban.
Sa iba pang laro, muling kinabig ng Far Eastern University ang liderato sa bisa ng 1-0 panalo kontra University of the East.
Itinala ni Jermi Darapan ang solong goal ng laro sa 79th minute na pormal na naghatid sa Tamaraws sa Final Four round.
Nasorpresa naman ng out-of-contention ng Adamson ang University of Santo Tomas, 1-0, kaya nadiskaril ang pag-usad ng huli sa semis.
Bunga ng panalo, muling naluklok ang Tamaraws sa liderato sa natipon nilang 24 puntos habang bumaba ang Blue Eagles sa second spot sa nalikom nilang 23 puntos.
Umangat ang UP sa ikatlong puwesto makaraang makaipon ng 20 puntos. Si Rey Poncardas ang nagposte ng goal sa 64th minute para sa Falcons.
Nalaglag ang Growling Tigers sa ikalimang puwesto kahit nanatiling may 17 puntos, dalawang puntos ang layo sa pumapang-apat na De La Salle na may 19 puntos.
Laglag na sa kontensiyon ang UE na may 8 puntos kasama ng Adamson University (11) at National University (10). (VA)





Comments