2ND WIN, PAKAY NG ROS VS. HOTSHOTS SA SEMIS
- Clyde Mariano
- Apr 14, 2019
- 2 min read

MATAPOS kunin ang Game 1, puntirya ng Rain or Shine ang pangalawang sunod na panalo sa muling paghaharap sa Magnolia Hotshots sa Game 2 sa best-of-seven semifinal playoff ng Philippine Cup ngayon sa Araneta Coliseum.
Nakatakdang maglaro ng 6:30 p.m. upang panoorin ng kanilang mga supporters, sasagupain ng Elasto Painters ang low morale Hotshots at determinadong manalo muli at lumapit ng dalawang laro sa finals at palakasin ang kanilang kampanya sa korona na hawak ng San Miguel Beer at pigilin ang Magnolia sa kanilang ambisyong kunin ang pangalawang sunod na korona matapos angkinin ang Governor’s Cup kontra Alaska Aces.Gagamitin ng RoS ang 84-77 panalo sa initial game bilang jumping board at umaasa si coach Caloy Garcia na muling mangingibabaw ang Elasto Painters at lumapit sa titulong matagal na hindi nila nakuha mula nang iniwan ni coach Yeng Guiao ang team at pinagkatiwala sa kanyang deputy na si Garcia bago lumipat bilang head coach ng NLEX Road Warriors.
Hanggang ngayon bigo pa rin si Garcia sa inaasam-asam na mapasama sa “elite class of champions” kasama ang kanyang predecessor na sina Guiao, Virgilio “Baby” Dalupan, Tim Cone, Tommy Manotoc, Dante Silverio, Leo Austria, Norman Black, Chot Reyes at Chito Victolero. Sinabi ni Garcia na depensa ang nagpanalo sa kanila at muli siyang aasa sa solidong depensa upang pigilan ang dating RoS, ang “deadly troika”, nina dating Elasto Painters ace gunner Paul Lee, Mark Andy Barroca at Jio Jalalon.
Sa Game 1, ipinakita ni two-time MVP James Yap na nagkamali ang Magnolia ng pag-alis sa kanya at itinapon sa RoS. Ipinakita ng dating UE Warriors na taga-Negros Occidental na taglay pa rin niya ang bagsik ng mga kamay sa pagbuslo sa bola mula sa lahat ng sulok at pinangunahan ang mainit na opensiba ng RoS upang pisakin ang dating koponan.
Si Yap ang tinik na nakabara sa lalamunan ni Victolero at kailangang gumawa siya nang paraan na ma-neutralize ang RoS na uma-average ng double digit per game. Kung hindi sila babawi, sa kangkungan dadamputin ang Magnolia.
Katuwang ni Yap ngayon ang dating magkalaban sa NCAA na sina Rey Nambatac at Javee Mocon, Maverick Ahanmisi, Gabe Norwood, Norbert Torres, Beau Belga at Ed Daquioag. Sa kabila ng impresibong pagtalo sa Magnolia, hindi dapat magkumpiyansa si Garcia at kung kinakailangan ay gamitin niya ang buong lakas para masiguro ang panalo at lumapit sa finals.





Comments