DAVAO, MAKAKABAWI KAYA SA FINAL GAME 2 NG MPBL?
- BULGAR

- Apr 13, 2019
- 1 min read

MATUTUNGHAYAN ng buong bansa ang ikalawang paghaharap ng Davao Occidental Tigers at San Juan Knights sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup Finals, sa pagpapalabas ng Game 2 ng live sa ABS-CBN ngayong Sabado (Abril 13) ng 3:30 p.m.
Una nang nakasungkit ng panalo ang Knights kamakalawa ng gabi (Abril 11), matapos nilang pataubin ang Tigers, 84-74, sa pangunguna nina John Wilson at Mac Cardona sa Game 1 ng kanilang Best of Five series na ginanap sa Davao City Recreation Center.
Malaking bagay para sa liga na pagmamay-ari ni Pinoy boxing icon Manny Pacquiao, na mapanood ang mga laro ng liga ng mga masugid na fans ng basketball.
Pinaglalabanan ng dalawa ang pambansang kampeonato matapos maghari sa kani-kaniyang dibisyon. Dinurog ng Tigers ang Batangas City Athletics sa iskor na 66-51 sa huling laro ng South Division finals.
Samantala, sinandalan ng San Juan ang kanilang depensa kontra Manila Stars, at tinalo nila ito sa iskor na 84-75 sa serye nila para sa North Division finals. Ito ang unang beses na maipapalabas ang laro sa MPBL, na nasa ikalawang taon na.
Sa format nitong home and away na may livestreaming pa sa iWant sports, agad itong kinagiliwan ng basketball fans sa buong bansa lalo na at napapanood nila sa “Liga ng Bayan” ang mga nagbabalik na basketball star mula sa professional at collegiate leagues at mga magagaling na manlalaro na hindi pa nadiskubre at mula mismo sa kanilang lugar. (MC)





Comments