top of page

Batas tungkol sa pagtatapon ng basura sa pampublikong lugar

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 11, 2019
  • 2 min read

Dear Chief Acosta,

Magandang araw! Ilang beses ko nang nakita ang aking kapitbahay na nagtatapon ng basura sa gilid ng daan malapit sa bahay namin. Sa totoo lang, nang sitahin ko siya ay sinabi niyang wala naman daw ordinansa ang aming barangay hinggil dito, gayundin, kadalasan naman daw ay nililinis ito ng mga volunteer youth sa aming barangay. Gayunman, nais ko siyang mapanagot. Gusto kong malaman kung may batas ba na nagbabawal sa kanyang ginagawa? — Pamela

Dear Pamela,

Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Republic Act No. 9003 o mas kilala sa tawag na “Ecological Solid Waste Management Act of 2000”. Nakasaad sa Section 48 (1) nito na:

“Section 48. Prohibited Acts - The following acts are prohibited.

x x x

xxx

1) Littering, throwing, dumping of waste matters in public places, such as roads, sidewalks, canals, esteros or parks and establishment or causing or permitting the same; x x x”

Samakatwid, ipinagbabawal ng batas na ang pagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar tulad ng mga daan, bangketa, kanal, estero o parke at mga establisimyento o pagiging sanhi o pagpayag sa ganitong gawain.

Nakasaad sa batas na ito na ang sinumang lumabag ay maparu­rusahan ng pagkakakulong ng isang (1) araw hanggang labinlimang (15) araw. Maaari rin siyang magmulta ng halagang tatlong daang piso (P300) hanggang isang libong piso (P1, 000) o pagawain ng community service. Maaari ring maipataw ang parehong kaparusahan batay sa diskresyon ng korte.

Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisa­laysay sa inyong liham at sa pagka­kaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibi­bigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.

Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.

1 Comment


Adelyn Montero
Adelyn Montero
Aug 06, 2024

Magandang hapon Po. Pinagbintangan Po kmi na nagtapon nag basura pero Hindi Po totoo Yun . Nasa tricycle lang Po Ang basura dahil e tatambak Po namin ito sa likod ng bahay dahil para mas tumaas ito. Ano Po Ang aking gagawin gayong wla naman Silang prowerba na nag papatunay na nagtapon kmi ... Ngunit kami ay pinagbibintangan

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page