Todo-bilib na makakalusot sa kasong graft… HIRIT NI GOV. ER: MAGKUMPARE KAMI NI P-DIGONG


ILANG araw matapos lumabas ang balitang guilty si dating Laguna Governor ER Ejercito sa kasong graft at diumano’y hinatulan ng 6 hanggang 8 taong pagkakakulong ng Sandiganbayan, kahapon ay humarap na sa media ang aktor-pulitiko.
Mariing nilinaw ni ex-Gov. ER na hindi pa “FINAL and EXECUTORY” ang desisyon ng Sandiganbayan na nagtakda sa kanya ng 6-8 years na pagkakakulong at kasabay nito ang disqualification niya ngayong muli siyang tumatakbong gobernador ng Laguna.
Meaning, puwede pa siyang umapela sa Korte Suprema. At malakas ang paniniwala ni Gov. ER na dahil kumpare niya si Pangulong Rodrigo Duterte, hindi na raw siya maha-harass at sa halip ay papabor sa kanya ang desisyong ‘not guilty’ sa graft case na isinampa sa kanya sa panahon ng kanyang pagiging gobernador ng Laguna.
Paliwanag sa amin ni Gov. ER nang matanong namin kung bakit ‘guilty’ ang naging desisyon ng Sandiganbayan kung ‘close’ naman pala siya kay Pangulong Digong, ‘yung mga tao raw sa Sandiganbayan na nagdesisyon sa kanyang kaso ay mga appointees pa ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
So, naniniwala si Gov. ER na gumagalaw pa ang galamay ng dating pangulo. Kaya rin hanggang ngayon, hindi pa humuhupa ang galit niya kay ex-P-Noy na nagpatanggal sa kanya sa puwesto at muli, inulit na naman niya ang sinabi niya sa amin noon na, “Babarilin ko talaga siya ‘pag nagkita kami.”
Samantala, dahil nasabi na rin lang ni Gov. ER na hindi lang niya basta kaibigan kundi kumpare pa si Pangulong Digong, naitanong namin ang personal stand niya o kung pabor ba siya sa pagbawi ng pangulo sa kagustuhan nito noon na pangalanan ang mga celebrities na nadadawit sa ilegal na droga.
“Dapat, dapat (pangalanan),” umpisa ni Gov. ER, “eh, nakiusap si… maraming nakiusap…”
From showbiz ba o from politics ang mga ‘nakiusap’?
“Oo, marami. Alam naman natin ‘yung mga artistang close kay Presidente. I won’t mention names pero maraming nakiusap,” prangkang pag-amin ng aktor-pulitiko.
Pero kung siya nga lang daw ang tatanungin, pabor siyang pangalanan ang mga kapwa niya artista na pasok ang names sa narco-list.
“Kung sa akin, dapat ilabas. Kung sa Amerika nga, eh, inilalabas, saka inire-rehab. ‘Yung may mga problema sa alcoholism at illegal drugs, inilalabas sa Amerika, inire-rehab,” diretsong pahayag ni ex-Gov. ER.
Samantala, nabanggit din ng aktor-pulitiko na matagal na pala niyang gustong gawin ang bio-film ni Pangulong Digong.
“Eh, ayaw niya, eh. Marami raw inspirasyon,” nakangiting hirit ng muling tumatakbong governor ng Laguna.
Naku, ha? Dapat pa ba nating ikagulat kung maraming babaeng dumaan sa buhay ng pangulo, eh, kilala naman siya sa pagiging brusko at matinik sa chicks?





Comments