Malinaw ayon sa birthday | BABAENG NAKATAKDANG MAIKASAL SA LALAKING HINDI NIYA MAHAL

Dear Maestro,
Pinipilit akong ipakasal ng mga magulang ko sa lalaking hindi ko naman gusto, kaya umalis ako sa amin. Pagdating ko naman dito sa Maynila, nakapasok agad ako ng trabaho bilang katulong. Ang problema, may nagugustuhan akong lalaki ngayon, pero may asawa na siya at dalawang anak. Ang sabi niya sa akin kung sakali raw na tanggapin ko ang pag-ibig niya ay handa naman daw siyang iwanan ang kanyang asawa para sa akin siya sumama. Hindi ko alam kung seryoso siya sa sinasabi niyang ito, pero kung ako ang tatanungin napamahal na ako sa kanya at gusto ko na siyang mapangasawa. Siya na ba ang lalaking itinakda sa akin ng kapalaran o ‘yung lalaking naghihintay pa rin sa akin sa aming probinsiya? May nagbalita kasi sa akin na hanggang ngayon ay pinaghahanap ako ng mga magulang ko at ng mga magulang ng lalaking may gusto sa akin para ikasal kami. Sino kaya sa dalawang lalaking ito ang aking mapapangasawa? August 2, 1993 ang birthday ko. ‘Yung lalaki na inirereto sa akin ng mga magulang ko ay April 16, 1990 ang birthday habang ang manliligaw ko na may asawa na ay isinilang naman noong December 2, 1985.
Umaasa,
Jem ng Quezon City
Dear Jem,
Ayon sa zodiac sign mong Leo, kapwa mo ka-compatible ang dalawang lalaking sinasabi mo sapagkat sila ay Sagittarius at Aries.
Naging ka-compatible mo silang dalawa dahil ang zodiac sign mong Leo, gayundin ang Sagittarius at Aries ay may iisang elementong tinataglay – ang elementong fire o apoy, kaya naman compatible kayo para sa isa’t isa.
Habang sa Numerology, hindi rin maiaalis na ka-compatible mo rin silang dalawa na ‘yung isa ay may birth date na 16 o 7 (1+6=7) habang ‘yung isa ay may birth date na tulad ng birth date mong 2.
Ibig sabihin, pare-pareho kayong may “weak number” na tinatawag, kaya magkakatugma kayo.
Sa madaling salita, kung isasantabi muna natin ang moralidad, kahit sino sa dalawang lalaki na binabanggit mo ay puwede mo talagang piliin o makasama, habambuhay.
Pero, dahil nagkataong may asawa na si December 2, 1985 habang nililigawan ka pa lang niya ay mali na kaagad ang nasabing pag-ibig at alam naman nating lahat na kapag mali at hangal ang papasukin mong relasyon sa malaking kahangalan at pagkakamali rin ng buhay hahantong ang ganyang samahan.
Samakatwid, iwasan mo na ang lalaking may asawa na at pilitin mo kahit na mahirapan ka pa.
Pagkatapos, kung ang lalaking naghihintay sa iyo sa probinsiya ay medyo malaking lalaki, maitim o may kayumangging kulay ng balat, matikas at medyo kulot ang buhok, sigurado na ang magaganap – ang lalaking matagal ng naghihintay sa iyo sa inyong probinsiya at patuloy mong tinatakasan na nagtataglay ng zodiac sign na Aries, ang siya mo na ngang mapapangasawa at sa araw ng inyong kasal habang nakaharap kayo sa altar, maibubulong mo sa iyong sarili ang ganitong katotohanan: “Tama si Maestro Honorio Ong, minsan ang kapalaran pala ay hindi talaga matatakasan!”
Sabi nga ng French poet na si Jean La Fontaine, “A person often meets his destiny on the road he took to avoid it.”
Habang, tulad ng nasabi na, Jem, anumang iwas ang gawin mo sa kanya, si Mr. Aries na ang mapapangasawa mo at nakatakdang makakasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments