Kahulugan na tapos na ang paghihirap
- BULGAR
- Apr 10, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Eisselb ng Eisselb_Nagnarab@ facebook.com
Dear Professor,
Nanaginip ako na nasa balsa ako, tapos, ang dami ko raw nahuling isda na matataba. Tapos, lumangoy ako papuntang pampang, gayundin, na umuulan daw tuwing gabi.
Ano ang ibig sabihin ng mga ito?
Naghihintay,
Eisselb
Sa iyo Eisselb,
Tapos na ang iyong paghihirap at ibinabalita ng iyong panaginip na magsasawa ka sa kasaganahan, kumbaga, lumalangoy ka sa masarap na buhay.
Ang panaginip mo ay nagsasabing sa kasalukuyan ay naghihirap ka kung saan halos hindi mo mapagkasya ang pera mo na mas madalas ay kulang pa sa iyong pang-araw-araw na pangangailangan.
Ang ganitong kalagayan kapag nararanasan ng tao, siya ay awtomatikong nananalangin ng totohanan at taimtim na dumaraing sa langit. Dahil dito, siya ay pinakikinggan ng langit. Mahirap itong paniwalaan dahil marami ang magtataas ng kilay, lalo na sa hanay ng mga mahihirap dahil ayon sa kanila, ang langit ay bingi sa kanilang mga hinaing.
Pero, ang totoo, mali ang pamamaraan ng kanilang pagdarasal dahil ang kanilang mga salitang ginagamit ay kinakitaan ng paninisi sa nasa itaas at ang iba pa nga ay sinasabing siya ay mabuti at walang ginagawang masama, hindi tulad ng kanilang kakilala na walang ginawa sa kapwa kundi ang magyabang. ‘Yung iba, parang sinisiraan pa ang kapwa nila at sila lang ang mabuti.
Ang pinakamarami ay ang nagsasalita ng “Lord, masunod nawa ang kalooban Mo at hindi ang kalooban ko.” Tapos, galit pa sa langit kapag hindi nasunod ang kanyang hiniling, eh, napakalinaw naman ng kanyang panalangin kung saan ang kalooban ni God ang dapat masunod at hindi ang kanya.
‘Yun ang samu’t saring problema ng tao sa kanilang panalangin na ayon sa panaginip, ikaw ay natagpuang tulad ng maamong tupa kung saan habang ikaw ay nananalangin ay nagpasya ang nasa itaas na tapusin na ang iyong paghihirap at ikaw ay makararanas ng kasaganahan at kaginhawahan sa buhay.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo
Comments