top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Malinaw ayon sa palad... BABAENG NAKATAKDANG MAMATAYAN NG ASAWA

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 9, 2019
4 min read

KATANUNGAN

  1. May boyfriend ako ngayon at niyayaya na niya akong magpakasal kami. Wala namang problema sa akin dahil nasa wastong edad na kami. Kaya lang nang makita ko ang aking Heart Line ay putol ito o biyak habang pabaluktot naman pababa ang unang Marriage Line sa aking palad at ang pagkakaalam ko sa ganu’ng guhit ay mahihiwalay sa asawa o kaya naman ay mabibiyuda. Tama ba ako, Maestro?

  2. ‘Yun ang gumugulo sa isip ko, kaya natatakot akong mag-asawa, nangangamba akong baka hindi rin maging maligaya ang papasukin naming pag­papamilya kung saglit na panahon lang kaming mag­sasama at pagkatapos ay mawawala na ‘yung lala­king mapapangasawa ko.

  3. Kung totoo na ganu’n nga ang mangyayari base sa pagkakaintindi ko sa guhit ng aking mga palad, tama ba ang iniisip kong huwag na lang mag-asawa upang hindi ako makaranas ng kalungkutan kung sakaling biglang mawala ang lalaking paka­kasalan ko?

KASAGUTAN

  1. Wala namang buhay na permanenteng masaya. Walang ganu’n!

  2. Kung mayroon man, ito ay sa mga kuwento lang ng pag-ibig na nababasa natin sa mga nobela at pocket book, Ganito rin ang kadalasang tema ng mga napa­nonood natin sa mga pelikula kung saan palaging happy ending o tunay ngang masayang umuuwi ang mga manonood dahil nagkatuluyan at ikinakasal ang dalawang bida.

  3. Pero, sa totoong buhay, tama ang ateistang piloso­po na si Arthur Schopenhauer. Sabi niya, “kung itutu­loy lang ang istorya sa natapos na nobela, tiyak na ang bida o ang prinsipe at prinsesa ay hindi naman magkakaroon ng happily ever after. Siguradong kapag itinuloy ang kuwento, daranas din sila ng magulong buhay at sari-saring mga problema.” Posibleng maubusan ng pambili ng bigas ang mag-asawa at maaari ring magkasakit ang kanilang anak. Posible ring mambabae si mister o manlalaki si misis at maaari ring mawalan ng trabaho si mister o magkasakit si misis.

  4. Ito ang katotohanan sa buhay na nakita ni Scho­penhauer sa kanyang aklat na “The World as Will and Idea”. Sabi niya, “As in popular fiction, the story must be ended when after interminable vicissitudes, the hero and heroine are happily wedded, for if the narra­tive continued, the reality of repeated misfortune would eventually prove, that life must be some kind of mistakes and that it is a sin to be born”.

  5. Ibig sabihin, kung paniniwalaan natin si Scho­penhauer sa kanyang pananaw, malungkot talaga ang buhay, maraming paghihirap at pagdurusa. Sa totoo lang, wala namang kuwentang isilang dahil wala namang permanenteng saya.

  6. Buti na lang iba ang pananaw ng dakilang pintor na si Leonardo Da Vinci hinggil sa mga dinaranas nating pagdurusa, problema at kasawian sa buhay. Sabi ni Da Vinci, “There is no perfect gift without great suffering”. Ibig sabihin, bahagi ng buhay ang pagdurusa upang pagkatapos nito ikaw naman ay liligaya.

  7. Kaya kung ang itinakda sa iyo ng kapalaran ang mawalan ng asawa, huwag kang matakot na danasin ‘yun dahil hindi naman porke nawala ang iyong asawa ay tapos na ang istorya ng iyong buhay.

  8. Sa halip, sa totoo lang, kabaligtaran ng sinasabi ni Schopenhauer, “hindi natatapos ang kuwento ng tra­hedya at drama ng buhay, bagkus, kahit mamatay ang bida, kapag itinuloy ang istorya, ang pagkawala ng bida ay siya namang magiging simula upang lumabas ang ikalawang bida na siyang magbibigay ng paniba­gong sigla at pag-asa sa mga manonood at mamba­basa”.

  9. Kaya, Althea, maaaring tama ka, negatibo nga ang nais ipahiwatig ng nabiyak o naputol na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) na sinuportahan pa nang dumausdos pababa na unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad na nagsasabing may tendency na sa iyong pag-aasawa, ikaw ay mababalo o mahihiwalay sa kanya.

  10. Subalit, tulad ng naipaliwanag na, hindi naman sa pagkawala ng iyong asawa natatapos ang kuwento at drama ng iyong buhay. Sa halip, kapag itinuloy ang ku­wento mo, simula pa lang ‘yun ng susunod na eksena sa pagpihit ng kamera kung saan ayon sa ikalawang mas malinaw, tuwid at magandang Marriage Line (Dra­wing A. at B. 2-M arrow c.) sa ikalawang pag-aasawa, walang duda, habambuhay ka ng liligaya.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Kapwa ko paborito si Friedrich Nietzsche na nagsasabing “God is dead, pero may darating na su­perman”. Gayundin, si Arthur Schopenhauer na nag­sasabing “life must be some kind of mistakes, it is a sin to be born”.

  2. Sa kanilang mga akda, ang dalawang German philosophers na ito ay tila ba naghahamon na minsan pa sa ating karanasan, patunayan mong buhay ang Diyos at hindi pagkakamali ang mabuhay sapagkat may kakaya­han kang gapiin ang bawat pagdating ng mga miserab­leng karanasang ito sa buhay ng tao.

  3. Habang, ayon sa iyong mga datos, Althea, hindi ka dapat matakot na harapin ang hamon ng tadhana, mag-asawa ka dahil mawala man ang una mong asawa, okay lang ‘yun sapagkat kapag itinuloy ang istorya ng iyong buhay, hindi naman ito natatapos sa pagkawala ng iyong asawa, bagkus, sa ikalawang pag-aasawa, sigurado na ang magaganap, may pangako ng mas maligaya at panghabambuhay na pagsasama, (Drawing A. at B. 2-M arrow c.) dahil magaganap sa iyong karanasan, ang sinabi ng dakilang pintor na si Da Vinci na “There is no perfect gift, without great suffering”.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page