top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Motto ng mga sakim at gahamang negosyante | “Tubo bago serbisyo!”

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 3, 2019
3 min read

HABANG naghihirap ang taumbayan sa pagbabayad at pagkuha ng tubig, ang malalaking kum­panya na siyang may monopoliya sa negosyong ito ay tuwang-tuwa sa bilyones nilang kinikita bawat taon.

Magkano ang kanilang kinikita sa pagbebenta ng tubig sa mga residente ng Metro Manila at Cavite?

Sa maniwala tayo o hindi, P120 bilyones ang kanilang kinita noong nakaraang sampung taon. Ayon mismo ito sa kanilang ulat, taun-taon.

Sa laki ng kanilang tubo, bakit hindi sila makapag-invest sa dagdag-imprastruktura para hindi na na­wawalan ng tubig sa mga siyudad dahil sa kasa­kiman at pagiging gahaman sa pera?

“Profit-oriented” ang mga kumpanya ng tubig na binigyan ng prangkisa ng gobyerno. Uunahin nila ang tubo bago ang serbisyo sa bayan.

Hindi tulad dati na ang gobyerno ang may res­ponsibilidad sa pag-supply ng tubig sa pama­magitan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Nag-umpisa ang problema noong panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos nang ibinenta nito ang mga ari-arian ng gobyerno sa ilalim ng kanyang programang “privatization”.

Mas magaling daw magpatakbo ng negosyo ang pribadong sektor ngunit, hindi nito inisip na inaban­dona nito ang responsibilidad ng gobyerno na ala­gaan ang mga “basic” na pangangailangan ng ma­mamayan tulad ng tubig.

Ang malalaking kumpanya ng tubig ay binigyan ng prangkisa para mag-supply ng tubig sa mga taga-Metro Manila.

Magkahiwalay ang kanilang distrito kung saan ang una ay sa silangang bahagi ng Metro Manila kasama ang Makati at Taguig at ang isa namang kumpanya ay sa kanlurang bahagi ng Quezon City at ilang parte ng Cavite.

Kahit dalawa pa ay monopoliya pa rin ang tawag dito dahil hindi naman sila nakikipagkum­pitensiya sa mga kliyente at hiwalay ang lugar na ka­nilang pinagsisilbihan.

Kamakailan, nagkaroon ng krisis sa tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila, lalo na ang mga lugar na hawak ng Manila Water. Walang tubig o may shortage ng supply ng tubig sa mga lugar tulad sa mga Lung­sod ng Mandaluyong, Pasig, Taguig at Binangonan sa Rizal.

Sobrang binatikos ang Manila Water sa social media kung saan halos pagmumurahin na sila ng mga netizen at maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagalit sa nangyaring kapalpakan ng mga conces­sionaire ng patubig.

Binatikos din nito nang husto ang opisyales ng MWSS, ahensiya ng gobyerno na dapat nagsu-supervise sa dalawang kumpanya.

Maraming palusot ang sinabi ng mga ito kung bakit nawalan ng tubig sa maraming bahagi ng Metro Manila kesyo nagkulang daw ang tubig sa Angat at La Mesa Dams, pero obvious na nangangatwiran lang sila.

Ang katotohanan ay hindi nila inaasikaso ang imprastruktura na kailangan para masiguro na palaging mayroong supply ng tubig.

Hindi pa tinatapos ng Manila Water ang kanilang Cardona Water Plant, bagaman, naningil na sila sa kanilang mga kliyente ng gastusin para rito na nag­kakahalaga umano ng P700 milyon.

Mayroon tayong balitang narinig na sinadya umano ang krisis sa tubig para mapahiya ang admi­nistrasyong Duterte.

Parte lang daw ito ng destabilisasyon ng mga kaaway ng gobyerno.

Ang may-ari ng Manila Water ay ang mga Ayala na taga-Makati. Alam ng lahat na dilawan ang pa­milyang ito at ang type lang na lider ay ang mga kapwa elitista nila tulad ng mga Aquino-Cojuang­co.

Sana naman ay huwag gamitin ng mga Ayala ang tubig sa kanilang pamomolitika dahil kaawa-awa ang taumbayan, lalo na ang mga mahihirap.

Parehong listed sa stock market ng malalaking kumpanya ng tubig. Ibig sabihin, kailangang mag­pakita sila ng tubo bawat taon kung hindi ay maga­galit sa kanila ang kanilang mga stockholder.

Malamang, nakadepende rin ang bonus ng ka­nilang mga ehekutibo kung mapatataas bawat taon ang kita ng kanilang kumpanya.

Isipin ninyo, ang CEO ng Manila Water ay may suweldo na P2 milyon kada buwan at may dagdag pang milyones na bonus ang mga ito.

Pakialam ba nila kung may krisis sa tubig? Basta malaki ang kanilang suweldo at tubo ay hapi-hapi na sila.

Abangan natin kung may gagawin si P-Duterte sa mga elitistang kumpanyang ito. Dapat may pe­nalty agad ang Manila Water sa kanilang kapalpa­kan.

Hihintayin din natin kung kikilos ang mga opisyal ng MWSS para maging tunay na representante ng mamamayang Pilipino. Hindi ‘yung uupo lang sa kanilang mga silya at naghihintay sa pagdating ng araw ng suweldo.

Magtrabaho naman kayo para sa bayan, opis­yales ng MWSS!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page