Basura palit-bigas, ayos!


TOTOONG may pera sa basura at may mga kababayan tayong ito na ang ikinabubuhay.
‘Yung iba, hindi lang pang-araw-araw ang nasusuportahan, marami na rin ang talagang umasenso.
Mayroong nangangalakal, bumibili o ‘yung nagtatayo ng junkshop at mayroon ding nagre-recycle para maging bagong produkto na maaaring ibenta.
Kumbaga, nakabawas na sa basura, kumita pa.
Ito ang isa sa mga layunin ng panukalang-batas na isinusulong sa Kamara, ang pagbibigay ng isang kilong bigas kapalit ng isang kilo ng basura.
Sa House Bill 9170, mabibigyan ng incentives ang mga maghihiwalay ng recyclable plastics at magdadala ng mga basura sa redemption centers kapalit ng bigas, de-lata at pera.
Ang bawat kilo ng non-hazardous at recyclable plastic wastes ay may katapat na isang kilo ng bigas o cash equivalent, habang ang isang kilo ng metallic, non-hazardous, recyclable waste ay dalawang kilo naman ng bigas o katumbas na halaga ng pera.
Sa pamamagitan nito, tiyak na marami ang mahihikayat na mag-segregate at nang mabawasan ang problema sa basura.
Kaugnay nito, inaatasan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na hikayatin ang mga indibidwal, may mga bahay at asosasyon na gawin ang segregation ng mga basura.
Kung magiging batas ang nasabing panukala at mabenta sa lahat, hindi lang mababawasan ang basura, hindi lang madaragdagan ang budget ng pamilya, kasama rin sa masosolb ang problema sa baha.
Sa madaling salita, marami ang makikinabang.





Comments