Tips para maiwasan ang pagbaho ng hininga

Dear Doc. Shane,
Ako ay college student at isa sa mga classmate ko ay mayroong bad breath, hindi namin ito masabi sa kanya kasi baka masaktan at mapahiya siya. Gusto kong malaman kung hindi ba alam ng tao kapag siya ay may bad breath? Mukhang okay naman ang kanyang hygiene at hindi rin daw siya nagyoyosi. Anu-ano ba ang mga dahilan ng bad breath? — Bernadette
Sagot
Ang halitosis ay ang medikong termino para sa mabahong hininga. Ito ay maaaring resulta ng kakulangan sa kalinisan sa bibig o senyales ng ibang problema sa kalusugan. Posibleng dulot ito ng sirang mga ngipin, problema sa gilagid o dumurugong gums, mayroong sipon at nalilipasan ng gutom. Ang halitosis ay maaaring palalain ng ilang mga pagkain o ng pagiging pabaya sa oral hygiene.
Narito ang ilan sa mga sanhi ng halitosis:
Kawalan ng dental hygiene
Permentasyon ng tinga sa bibig
Problemang dental tulad ng tooth decay o gum disease
Impeksiyon sa ilong o lalamunan
Pagdami ng bacteria sa loob ng bibig
Tonsilolith o mga bato sa tonsils na dulot ng namumuong calcium
Hindi maayos na diyeta — constipation
Ang masamang bisyo tulad ng paninigarilyo o pagnguya ng tabako ay maaaring mag-iwan ng hindi kanais-nais na lasa at amoy sa bibig
Pagkaing may matapang na amoy tulad ng bawang, sibuyas at malansang isda
Minsan, ang mga problema sa tiyan tulad ng gastroesophageal reflux disease (GERD) o ulcer ay nagdudulot ng mabahong hininga kapag dumighay o naglabas ng gas
Hindi makontrol na diabetes
Liver o lung disease
Stress at masamang bacteria sa colon
Maaaring maiwasan ang halitosis sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan:
Pangalagaan ang kalusugan ng bibig sa pamamagitan ng pagsesepilyo nang dalawang beses sa isang araw gamit ang fluoride toothpaste.
Ugaliing magsepilyo pagkatapos kumain at huwag kalimutang sepilyuhin ang dila.
Palitan ang sepilyo tuwing dalawa o tatlong buwan.
Gumamit ng dental floss at mouthwash, araw-araw.
Ang dentures o pustiso ay dapat tanggalin sa gabi at linising mabuti bago ibalik sa bibig.
Bumisita sa dentista, dalawang beses sa isang taon.
Tumigil sa paggamit ng produktong tabako.
Panatilihing basa ang bibig sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig at pagnguya ng gum na walang asukal o matigas na kendi para sa produksiyon ng laway.
Iwasan ang ilang mga pagkaing maaaring magdulot ng mabahong hininga.
Panatilihing regular ang pagdumi.
Dapat mailabas ang dumi sa katawan. Linisin ang loob ng katawan sa pamamagitan ng pag-inom ng fresh lemon o kalamansi at tubig. Sumailalim sa detoxification process o colon cleansing.
Makipag-usap palagi para hindi napapanis ang laway.





Comments