LADY MAROONS, HINDI PINAPORMA ANG DLSU SA 2ND ROUND VOLLEYBALL


MULING ginapi ng University of the Philippines ang defending champion De La Salle, 25-16, 26-24, 25-19, sa pagbubukas ng second round ng UAAP Season 81 women’s volleyball tournament sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Ang Lady Maroons ang unang koponan na naka-sweep sa Lady Spikers sa eliminations makalipas ang apat na taon mula ng huli silang mawalis ng Ateneo Lady Eagles noong Season 77. Dahil sa panalo, nagtabla sila ng La Salle sa markang 5-3, panalo-talo at lumikha ng 4 way tie kasama ng University of Santo Tomas at Far Eastern University sa likod ng namumunong Ateneo (7-1).
Pinangunahan ni Diana Carlos ang nasabing panalo sa itinala niyang 13 puntos, lahat galing sa atake.
Nauna rito, nakaungos ang Far Eastern University kontra Adamson University sa isang dikdikang 5 sets, 30-32, 25-20, 23-25, 25-20, 15-13. Dahil sa panalo, umangat ang Lady Tamaraws sa kartadang 5-3, panalo-talo at tumabla sa 3rd place sa University of Santo Tomas.
Naging mabigat para sa FEU ang pagtapos sa laban makaraang magtamo ng injury habang naglalaro ang dalawa sa kanilang key players.
Nagtamo si Jeanette Villareal ng right ankle sprain sa first set na sinundan ng star rookie na si Lycha Ebon na sinamang palad na magkaroon ng strain knee sa 5th frame. Tumapos pa ring topscorer si Ebon na nagtala ng 19 puntos para sa Lady Tamaraws kasunod si Heather Guino-o na may 14 puntos. (VA)





Comments