top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Paghihigpit sa batas-trapiko at pag-issue ng lisensiya sa mga motorista, mas oks kaysa doblehin ang

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 25, 2019
3 min read

NGAYONG Kuwaresma o Mahal na Araw, madalas nating marinig ang awiting ganito ang simula “buksan ang aming puso” at nagtatapos naman sa “tulutan mong ihanap kami ng bagong malay”.

Malalim ang pusong may pakiramdam at malasakit sa iba. Malawak ang isip na handang umunawa at tumanggap sa iba. Napakaraming nang­yayari na nangangailangan ng malalim na pandama at malawak na pag-iisip. Isa na rito ang suliranin hinggil sa mga naglipanang motorsiklo.

Bakit dumaragsa ang mga gumagamit ng motorsiklo? Ayon sa mga gumagamit ng motorsiklo, ito raw ang pinakamura at mabilis na uri ng trans­portasyon. Marahil, mura at mabilis ito ngunit, gaano naman kaligtas ang motorsiklo?

Naalala natin noong tayo ay estudyante pa sa Roma. Ipinahiram sa atin ng isang kaibigang pari ang kanyang Piaggio 50cc. Matagal din natin itong nagamit sa pagpasok sa paaralan at pagdalaw sa iba’t ibang sentro ng mga OFW upang magmisa at dumalo sa kanilang mga pulong.

Noong una, lamig at ulan lang ang ating inire­reklamo. Tunay na napaka­hirap magmotor sa pana­hon ng taglamig o “winter” dahil nanunuot ang lamig at nakapangingilabot. Mahap­di ang hampas ng hangin sa mukha, mga tainga at kamay. Kina­kailangan nating magsuot ng scarp o balot sa leeg at bonnet sa ilalim ng helmet at mga guwantes. Noong matapos ang taglamig, iba naman ang ating problema, nakaranas tayo ng mga aksidente sa motor. Dala­wang ulit tayong nabundol ng “pullman” o bus habang nagmamaneho ng motor. Bagamat, hindi malubha ang naging aksi­dente, sapat nang tumigil tayo sa pagmomotor sa takot na baka mas malalang aksidente ang ating sapitin. Mula noon, hindi na tayo nagmaneho ng motorsiklo.

Ang kagandahan ng pagmomotor sa maraming bansa, mayroong mga regulasyong pumoprotekta sa mga pasahero at naglalakad sa kalye. Higit sa lahat, mayroong mga regulasyong pumipigil sa anumang pang-aabuso ng mga nagmamaneho ng motor. Ang mahalaga ay ipinatutupad ang mga ito kapag may lumabag, karampatang-parusa agad.

Pagkaraan ng mahigit dalawang dekada, napad­pad tayo sa Hong Kong. Mabibilang lamang natin ang mga nagmomotorsiklo, bakit? Napakahirap ku­muha ng lisensiya. Kai­langang dumaan sa napakaraming exam ang mga nais magkaroon ng lisensiya. Ilan taon ang inaabot ng pagiging estudyante o learner na kinakailangang magsuot ng “vest” na may letrang “L” na nakatatak sa likod para sa learner.

Bakit ganito kahigpit sa batas para sa pagmama­neho ng motorsiklo ang ibang bansa?

Malinaw ang sagot, lubhang delikado ang motorsiklo sa pasahero o sa drayber man.

Ngunit, mayroong ibang panganib na nagtulak sa isang senador na ipapasa ang Republic Act no 11235 o “Motorcycle Crime Prevention Act”. Napakaraming krimen ang nangyayari na sangkot ang mga nakamotorsiklo, lalo na ang mga “riding-in-tandem.” Kaya nais ng naturang senador na magkaroon na ng dalawang plaka ang mga motorsiklo, tig-isa sa harapan at sa likuran. Tumutol ang iba’t ibang samahan ng rider sa bansa na nangatwirang posibleng mas maging delikado ang nasabing panukala.

Posible bang mabawa­san ang krimen na kina­sasangkutan ng “riding-in-tandem sa paglalagay ng plaka sa harapan at likuran ng motorsiklo o baka panahon na para tularan natin ang maraming bansa na sobrang higpit sa pagbibigay ng lisensiya at batas-trapiko? Binibigyan nila ang mga motorista ng mahabang panahong upang mapalalim ang pakiramdam at pagma­malasakit ng puso at mapalawak ang isipan at malay.

Kung tunay na tuturuan ang mga motorista, unti-unting mawawala ang pananaw na “kaya ako nagmomotorsiklo ay dahil mabilis sumingit, mag-overtake o mauna sa anumang sasakyan.”

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page