Malinaw ayon sa birthday... BABAENG NAKATAKDANG LUMIGAYA SA PILING NI MR. LEO
- BULGAR

- Mar 23, 2019
- 2 min read
Dear Maestro,
Dati na akong nagkaroon ng ka-live-in, tapos nabuntis niya ako, kaya lang pagkatapos ng tatlong taon, naging seaman siya at doon na siya nakakilala ng babaeng pinakasalan niya.
Kaya ngayon ay single- mom ako, pero okay lang kasi hindi ko naman na siya mahal dahil mula nang mag-abroad siya ay hindi na siya umuwi sa amin ng anak niya.
Maestro, kahit kaya single-mom ako ay makapag-aasawa pa kaya ako at may lalaki pa kayang darating sa akin na iibigin ako at makakasama ko, habambuhay?
Sa ngayon ay may nanliligaw sa akin, bale dalawa sila, kaya lang iniisip ko na baka ang pagkababae ko lang ang gusto nila at tulad ng nauna kong naka-live-in baka dumating ang araw na iwanan din nila ako?
Sa palagay ninyo, sino sa dalawang lalaking ito ang dapat kong sagutin at makasama, habambuhay? Ang una ay tawagin nating Mr. Leo na isinilang noong August 14, 1989 at ang pangalawa ay si Mr. Virgo na isinilang noong September 13, 1990. December 8, 1991 naman ang birthday ko.
Umaasa,
Adora ng Blumentritt, Santa Cruz, Manila
Dear Adora,
Simple lang ang dapat gawin ng babae para huwag na siyang magkamaling muli sa pagpili ng lalaking kanyang mamahalin.
Una, siyempre ang kailangan mong piliin ay ‘yung lalaking ka-compatible mo sa Astrology at Numerology na pag-aanalisa.
Pangalawa, kailangang piliin mo ang lalaki na hindi “kamukha” nu’ng lalaking una mong naka-live-in na nang-iwan sa iyo. Ano ang ibig sabihin nito?
Halimbawa, maitim o kayumangi ang kulay ng balat at medyo kulot ang buhok ng lalaking una mong nakasama, huwag mo nang piliin ulit ang ganu’ng klase ng lalaki.
Kaya itong ikalawang basehan, ikaw ang nakaaalam at makapagdedesisyon dahil hindi mo naman inilarawan ang physical appearance nu’ng una mong naka-live-in lalaki.
At siyempre pa, kasabay nito, kung ano ang zodiac sign at birth date nu’ng una mong naka-live-in, dapat iwasan mo na ang ganu’ng zodaic sign at birth date dahil “kamalasan” lang ang iyong makukuha tulad nang naranasan mo kung saan iniwanan ka lang na parang basahan.
Ngayon, dahil ikaw ang may kakayahang mag-decide hinggil sa ikalawang teknik o paraan ng pagpili ng lalaking mapapangasawa, pagtuunan natin ang iyong unang batayan hinggil sa pagiging compatible ninyo ng lalaking pipiliin mong mapangasawa sa Astro-Numerology na pag-aanalisa.
Ang zodiac sign mong Sagittarius ay nagsasabing ka-compatible mo ang lalaking Leo, Aries, Gemini at kapwa mo Sagittarius, ngunit, tulad ng kasalukuyang nangyayari, likas na magiging malapit ka rin sa Virgo.
Pero, hindi ang Virgo ang ka-compatible mo talaga, sa halip, lilinawin nating magiging malapit ka lang sa kanya. Sa halip, ang Leo ang mas ka-compatible mo talaga.
Kaya ‘yung manliligaw mong isinilang noong August 14, 1989 ang dapat mong piliin kaysa ru’n sa lalaking isinilang noong September 13, 1990.
Sadyang napakaganda kung si Mr. Leo ang pipiliin mo dahil ang birth date niyang 14 ay may sumatutal na 5 (1+4=5) kung saan ang 5 ay ka-compatible ng birth date mong 8.
Ibig sabihin, katugma mo talaga si Mr. Leo sa Astro-Numerology na pag-aanalisa at sa sandaling kayo ang nagkatuluyan at nagsama, may pangako na sa inyong maligayang pagpapamilya, habambuhay.




Comments