Mga senador puro porma, lahat gustong mag-audition para maging pangulo | Senado, wa’ ‘wenta!

WALA bang konsensiya ang mga senador natin? Kulang na nga ang pondo ng bansa para sa mahahalagang programa, pero heto ang mga senador na gagasta ng P15 bilyon para sa isang monumento na para sa sarili nila.
Nag-groundbreaking na ang mga sendaor na ma-ego para sa kanilang bagong gusali sa Bonifacio Global City. Sosyal talaga ang mga senador at sa pinakamahal na lugar pa na BGC nagdesisyong magpatayo ng kanilang proyekto. Kailangan daw nila ng bagong gusali, ayaw na raw nila sa GSIS.
Ganu’n ba o naiinggit lang kayo sa Kongreso na maganda at malawak ang gusali? Malaki ang Batasan Complex dahil parliamentary system tayo noong huling mga taon ng gobyernong Marcos (prime minister pa nga si Cesar Virata noon).
Maaari pa rin tayong magkaroon ng parliamentary system para Kongreso na lang. Matagal na nating sinasabing “useless” lang ang Senado, puro porma lang ang ginagawa ng mga senador. Lahat gustong mag-audition para maging pangulo.
Noong isang taon, ibinulgar na natin ang masamang plano ng Senado. Sinabi noon ni Senador Panfilo “Ping” Lacson, ang pinuno ng komite na nagsulong ng proyekto na magkakahalaga raw ito ng P4.5 bilyon.
Ayon sa mga balitang kalalabas lang, P8.9 bilyon daw ang gusali at hindi P4.5 bilyon, pero ayon sa ating sources sa industriya ng konstruksiyon, mas malaki raw ang gagastusin.
Tinatayang tataas ang presyo ng semento at bakal ngayon at sa mga susunod pang mga taon. Nagmamahal na ang presyo ng mga imported na bakal mula sa China, gayundin ang semento.
Lumalaki pa ang “demand” mula sa lokal na industriya natin. Inaasahan na ang presyo ng konstruksiyon sa BGC ay tataas mula sa P130,000 ngayong taon mula sa P120,000 noong isang taon lang.
Ang plano ng mga senador, magpagawa ng enggrandeng gusali na may taas na 11 floors. Ang lupaing nabili ng Senado, gamit ang pera ng bayan ay 8.5 ektarya.
Sa komputasyon natin, ganito ang lumalabas na gastusin: P13 bilyon para sa gusali base sa floor area at dagdag-P2 bilyon para sa lupa. Sumatutal na “ibabayad” ng taumbayan para may bagong monumento ang mga senador ay P15 bilyon.
Bakit hindi na lang sa ibang mas mahalagang bagay gamitin ang perang ito? Bakit kailan ng mga senador ng sosyal na gusali na ang kinuhang designer ay Amerikano sa halip na arkitektong Pilipino?
Kung mayroong asosasyon d’yan ng mga arkitektong Pinoy, dapat tayong magreklamo kung bakit mayroon pa ring “colonial mentality” ang mga senador. Nakalimutan nilang ibinoto sila para magsilbi sa bayan at hindi para tingalain sila mula sa kanilang puwesto sa BGC.
Ang daming ibang puwedeng paggamitan ng malaking pera, hindi naman “urgent” ang kanilang pangangailangan sa napakalaking gusali.
Ang matinding pangangailangan ng bayan ngayon ay pagkain, trabaho at kalusugan. Ito na lang sana ang pinagtuunan ng pansin ng mga senador sa halip na gagawa sila ng monumento para sa kanilang mga “ego”.
Sa halip na bagong Senate building, dapat nagpagawa na lang ng airstrip sa Pag-asa Island para mapagtibay natin ang pag-aari sa islang ito, ‘yan ang “urgent”.
Bakit? Dahil matapos ang istupidong kaso na isinampa ng mga dilawan laban sa China, bigla na lang itong kumilos (at iba pang bansa sa Asya) na i-fortify o patatagin ang kanilang mga inaangking isla na marami ay puro bato lang ngunit, maaaring maging isla sa pamamagitan ng reclamation at fortification.
Dahil sa arbitration ruling na pinilit ng gobyernong Aquino, sinabi ng tribunal na “bato” lang daw ang mga isla sa Kalayaan at karatig na lugar, pero kung aayusin ang mga bato at gagawing isla, paano na ang ruling nito? Ibig sabihin, unahan sa paggawa ng isla ngunit, hindi natin magagawa ‘yun kung wala tayong pondo.
Marami pa tayong ibang naiisip na mas magandang paggagamitan ng P15 bilyon sa halip na bagong opisina para sa mga mayayabang na senador.
Maaaring gamitin ang pera para sa malawakang programa para sa pagpapabakuna ng measles; pagbili ng isang libong dialysis machines para sa 4 milyon Pilipino na mayroong diabetes; paggawa ng mas maraming bypass roads o elevated roads para lumuwag ang EDSA; pagbili ng attack helicopters para malipol ang mga komunista at iba pang terorista; pagpapatayo ng soup kitchen o canteen na may libreng pagkain para sa mga mahihirap; pagpapatayo ng mga bagong bilangguan para hindi nagsisiksikan na parang hayop ang mga nasa city jail at marami pang iba na mas magagandang proyekto.
Mga senador, hindi ba kayo nahihiya sa ginagawa ninyo? Pera ng bayan ang P15 bilyon na ginagasta ninyo.
Hindi naman kayo mga bayani, hindi ninyo kailangan ng bagong opisina para sa mga sarili ninyo, ego lang ‘yan!





Comments