Krisis sa tubig, ‘wag na sanang maulit


Sinisi sa privatization ang nagaganap na krisis sa tubig, partikular sa Metro Manila.
Ayon sa isang grupo, kung gobyerno ang nagpapatakbo sa serbisyo ng tubig ay may sapat na supply ang publiko. Ang interes lang umano ng mga water concessionaire ay ang kanilang kita, kaya ang option lamang nila ay ang itaas o ibaba ang supply.
Matatandaang, ang water supply ay nailagay sa pangangasiwa ng pribadong korporasyon na Manila Water at Maynilad.
At matapos ang ilang araw na kakapusan sa supply, may mga nanawagan na panahon na para ibalik sa pamamahala ng gobyerno ang serbisyo ng tubig.
Masosolb na umano ang problema sa suplay ng tubig at magiging mababa pa ang presyo nito.
Samantala, inihihirit ang refund matapos mawalan ng tubig ang mga konsiyumer, bagay na hindi pa tiyak kung mapagbibigyan.
Kasabay nito, hindi rin malinaw kung mapapatawan agad ng penalty ang Manila Water matapos umanong labagin ang concession agreement nang mabigo itong makapagserbisyo ng 24 oras sa mga konsiyumer.
Mismong ang pamunuan ng kumpanya ang umamin na sila ay may paglabag sa concession agreement at handa silang magbayad ng multa.
Sa ngayon, umaasa tayong hindi na ito mauulit dahil napakalaki itong problema at abala.
‘Ika nga nila, kota na tayo sa araw-araw na trapik, walang tigil na taas-presyo sa mga bilihin at kaliwa’t kanang krimen. Huwag nang dagdagan pa.





Comments