Alamin mula kay Maestro... SADLAKANG KAPALARAN NG MGA AHAS NGAYONG TAON NG MGA BABOY



KUNG ikaw ay Ahas na isinilang noong 1965, pinaaalalahanan na ingatan mo ang iyong kalusugan sa pamamagitan ng tamang pagkain, regular na ehersisyo at bawasan mo na rin ang pagpupuyat. Tunay ngang maraming magaganda at positibong kapalarang darating sa iyo ngayong Taon ng mga Baboy, ngunit, maaaring hindi mo ito lubusang ma-enjoy kung may problema ka sa iyong kalusugan. Kaya kung maiiwasan mong magkasakit mas malalasahan at masasarapan ka sa mga suwerte at magagandang kapalarang darating sa iyo ngayong 2019.
Kung ikaw ay Ahas na isinilang noong 1977, ang mga mararahas at biglaang pagbabago ngayong 2019 ay hindi dapat isagawa, sa halip, panatilihin mo lang ang mga nasasaiyo na noong nakaraang 2018. Halimbawa sa negosyo, hindi iminumungkahing mag-invest ka sa panibagong pagkakakitaan, sa halip, ituloy mo lang ang dati mo ng kalakal at lalo mo pa itong pagbutihin.
Kung sa pakikipagrelasyon naman, hindi ka dapat makipag-cool-off o makipag-break sa iyong karelasyon, sa halip, ang pinakaepektibong estilo hindi lang sa love life kundi sa buhay mo ay “stay put” ka lang muna upang mas magiging mabunga at maligaya ang iyong kapalaran ngayong taon.
Kung ikaw ay Ahas na isinilang noong mga taong 1929 at 1989, higit kang papalarin sa mga lugar na dati mo nang pinupuntahan, gayundin sa mga lugar na malapit sa iyong pamilya o mga mahal mo sa buhay at malapit sa nature. Ibig sabihin, hindi inirerekomenda ang paglayo sa iyong sinilangang bayan, gayundin sa mga taong malapit sa puso mo. Dahil tulad ng nasabi na, sa pamilya rin at sa mga mahal mo sa buhay, manggagaling ang iyong lakas, magagandang kapalaran at suwerte ngayong Taon ng mga Baboy.
Kung ikaw ay Ahas na isinilang noong mga taong 1941 at 2001, magagara at mga hindi inaasahang pangyayari ang magaganap. Halimbawa, bigla kang kikita o magkakapera ng malaking halaga ng salapi na hindi mo inaasahan.
Dagdag pa rito, ‘yung kita mo na iyong mahahawakan ay maaaring maubos at masimot din kaagad kung ito ay hindi mo itatago o titipirin. Gayundin sa pag-ibig, pakikipagkaibigan at pakikipagrelasyon, mas masaya at masarap na ugnayan ang bigla o sorpresang magaganap, pero kung hindi mo iingatan ang kakatok o darating na relasyon, ang masasayang karanasang ito ay bigla ring mawawala at lilipas.
Kaya ang pinakamahalagang dapat gawin upang husto kang lumigaya at tagumpay ay matuto kang magsinop, magmahal at magpahalaga sa lahat ng mga biyaya at pagpapalang matatanggap mo ngayong 2019.
Kung ikaw ay Ahas na isinilang noong mga taong 1953 at 2013, talino at hindi emosyon ang dapat mong pairalin ngayong 2019. Maraming kumplikadong mga bagay ang iyong haharapin, may “ups and downs” na magaganap sa iyong buhay, may mga tagumpay din at maseselang pagpapasyang magaganap. Ang ligaya at tagumpay ay nakasalalay sa iyong talino at sa kahusayan mo sa pagpapasya ngayong Taon ng mga Baboy. Ibig sabihin, iwasan mong magpasya ng nakabatay lamang sa iyong emosyon o damdamin, hindi ka dapat maging emosyunal. Sa ganyang paraan, dinaragdagan mo ng pantay na katalinuhan at malalim na pagninilay-nilay ang iyong buhay, mas matitiyak mo ang maligaya at matagumpay na karanasan.
(Itutuloy)




Comments