PINOYS LOMAN AT DY, NAGPATIKIM NG 1ST ROUND TKO SA BRAVE 22
- BULGAR

- Mar 17, 2019
- 2 min read

HINDI binigo ni Filipino Brave Combat world champion Stephen Loman ang sambayanan nang maitala ang impresibong TKO panalo laban kay Elias ‘The Smile’ Boudegzdame ng Bahrain para mapanatili ang bantamweight title sa Brave 22: Storm of Warriors Biyernes ng gabi sa MOA Arena.
Magkahalong pananabik, pangamba at kalungkutan ang bumalot sa katauhan ng 27-anyos na Baguio City bet at miyembro ng pamosong Team Lakay sa unang pagkakataon na lumaban sa harap ng mga kababayan at pagkasawi ng malapit na tiyuhin.
“This is the first time I fought under the Brave promotion here in the Philippines. Masaya at excited, and at the same time malungkot dahil namatay tiyuhin ko,” pahayag ni Loman sa post-fight interview.
Matikas na nakihamok ang karibal ng Bahrainian at ilang ulit na munting nitong matake-down ang Pinoy champion kung hindi sa matikas na depensa ni Loman sa stand-up duel.
Sa 4th round, nagpalitan ng suntok ang parehong striker, ngunit nagawa pa ring malusutan ni Loman ang pagtatangka ng karibal na maipit siya sa sahig ng octagon.
Sa pagpalo ng warning bell hudyat para sa huling 10 segundo, nagsimulang dumagundong ang hiyawan na ‘Loman, Loman, Loman’ dahilan para makakuha ng higit na lakas ang Pinoy at matamaan ng left hook ang karibal. Sa pagbagsak nito, kaagad siyang kinubabawan ni Loman at mabilis na itinigil ng referee ang laban sa opisyal na oras na 2:59.
“Natiyempuhan ko rin. Nang marinig ko ‘yung warning going to the final 10 seconds, ibinigay ko na nang todo, nang bumagsak, nirapido ko na, medyo parang nagulat pa yung referee kaya napatingin ako sa kanya, buti naman itinigil yung laban, before tumunog yung final bell,” sambit ni Loman, naidepensa ang titulo sa ikatlong pagkakataon.
“I would like to dedicate this fight to my family and teammates. But was also to my uncle, who passed away this month. This was for him, definitely,” pahayag ni Loman, tanging Pinoy world champion sa Brave Combat Federation, nangungunang MMA promotion sa Middle East at African continent.
Sa co-main event, nakuha ni Rolando Dy, anak ni dating boxing world champion Rolando Navarette, ang paghanga ng crowd sa impresibong TKO win sa first round kontra sa dating walang talong si Mehmosh Raza ng Bahrain. (MC)





Comments