Nakasakay sa bus

Salaminin natin ang panaginip ni Andrealyn ng Andrealyn_Valdez@facebook.com
Dear Professor,
Ano ang kahulugan ng panaginip na nakasakay sa bus?
Naghihintay,
Andrealyn
Sa iyo Andrealyn,
May dahilan kung bakit nananaginip ang tao. Ang katotohanang ito ay bibigyang-diin ng batas ng kalikasan na “ang lahat ng nagaganap sa ibabaw ng mundo ay may dahilan.”
Kaya nga mababasa ang nakasulat sa Sagradong Aklat na hindi malalaglag ang balahibo ng ibon ng walang dahilan at ayon sa mga zoologist, kailangang malagas ang mga balahibo ng ibon nang sa gayun ay mapalitan ito ng bagong balahibo.
Gayundin sa mga halaman, ayon sa mga botanist, kaya nahuhulog ang mga dahon ay para bigyang-daan ang mga bagong usbong.
Kung ang mga hayop at halaman ay sakop ng nasabing batas, paano pa ang tao na sinasabing “masterpiece of creation”? Sa panaginip, ang umalis ng bahay ay nagsasabing ang nanaginip ay dapat na umalis o lumabas ng bahay. Hindi na natin gaanong ipagdidiinan na ang ayaw umalis ng bahay ay puwedeng magkasakit.
Sa ganitong malinaw na katotohanan, sa panaginip, ang umalis at sumakay sa bus ay nagpapayo na ang nanaginip ay dapat magpunta sa mga malalayong lugar nang sa gayun ay manariwa ang kanyang kapalaran.
Ito rin ay may mensahe na ang simpleng paglabas ng bahay ay walang gaanong pakinabang sa panaginip.
Ang pagpunta sa malayo, partikular sa probinsiya ay may magandang epekto sa kalusugan at nakatutulong ito upang makalimutan ang mga suliranin. Pero, ang pagpunta sa malapit ay walang magiging pagbabago kung saan hindi maaalis ang mga alalahanin.
Ang ganitong katotohanan ay nasa mga salitang, “bagong lugar, bagong kalakasan”, “malayong lugar, malayo sa mga problema”. Ang paglayo ay nagreresulta sa pagkakaroon ng positibong pananaw at ang positibong pananaw ay nagbibigay sa tao ng malinaw at matalinong kaisipan.
Kaya sundin mo ang sinasabi ng iyong panaginip, pumunta ka sa malayo dahil ang buhay mo ay maaaring magbago.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments