Malinaw ayon sa birthday... BEBOT NA NAKATAKDANG MATUPAD ANG MGA PANGARAP
- BULGAR

- Mar 8, 2019
- 3 min read
Dear Maestro ,
Kasalukuyan akong nag-a-apply sa abroad bilang Domestic Helper. Itatanong ko kung ano ang magiging kapalaran ko sa ibang bansa? Sa love life naman, sa ngayon ay may boyfriend ako o kinakasama, pero hindi pa kami kasal. May 14, 1984 ang birthday niya at may dalawa na kaming anak habang September 10, 1988 naman ang birthday ko.
Itatanong ko kung magtatagal kaya ang aming pagsasama kahit hindi pa kami kasal at siya na kaya ang lalaking makakasama ko, habambuhay? Uunlad kaya ako sa pag-a-abroad at maiaahon ko kaya sa kahirapan ang aking mga magulang at makabibili ng sariling lupa at bahay kung sakaling makaiipon na ako habang nagtatrabaho sa abroad?
Umaasa,
Loida ng Dinahican, Infanta, Quezon
Dear Loida,
Ang birth date mong 10 o 1 (ang 10 ay 1+0=1) sa destiny number na 9 (9+ 10+1988=2007/ 20+07=27/ 2+7=9) sa zodiac sign na Virgo ang nagsasabing, makapag-a-abroad ka kung saan ang nasabing pangingibang-bansa ay lubhang magiging produktibo at masagana. Kaya lang, ang destiny number mong 9 sa birth date na 1 ay nagbabala rin na hindi ka makaiiwas sa lalaking Leo na may pananagutan na sa buhay.
Ibig sabihin, sa susunod mong pangingibang-bansa, posibleng makakilala ka ng lalaking Leo at sa sandaling hindi mo siya nagawang layuan o iwasan, tiyak ang magaganap, kahit may ka-live-in ka na sa kasalukuyan o may kinakasama, mapapalautan ka sa nasabing lalaki sa pag-aakala mong tapat ang pag-ibig na iuukol niya sa iyo.
Sa bandang huli, tulad ng nasabi na, ipahahamak ka ng nasabing lalaking Leo dahil posibleng mabuntis ka niya sa ibang bansa upang minsan pa ay mawalan ka ng magandang career o hanapbuhay hanggang sa tuluyang mapauwi ka sa ating bansa at dito mo na rin palalakihin sa lihim na lugar ang magiging bunga ng inyong pagmamahalan.
Ang buong akala mo ay pananagutan ka ng lalaking Leo na ito, anuman ang mangyayari at sa inyong relasyon, ngunit, sa bandang huli, hindi rin kayo magkakatuluyan upang minsan pa ay muli ka namang tanggapin ng ka-live-in mo na isinilang sa sign na Taurus na may birth date na 5.
Sa ikatlong pagkakataon, muli kang makapag-a-abroad at mahuhulog sa tukso ng mga lalaki, pero, kung iiwasan mo ito, magtatagumpay ka na sa nasabing mga pangingibang-bansa. Ngunit, kung mahuhumaling ka na naman sa nasabing mga manlolokong lalaki na palaging magiging bahagi ng buhay mo higit lalo silang mga isinilang sa zodiac signs na Leo at Sagittarius tulad ng naipaliwanag na, kusang papangit ang maganda mo sanang career at pangarap na umunlad sa pangingibang- bansa.
Kaya nga, Loida, sa sandaling natuloy ka sa abroad, wala kang dapat gawin kundi iwasan ang kalalakihang isinilang sa zodiac signs na Leo at Sagittarius, isama na rin natin ang Aries higit lalo kung ikaw ay may mga nunal sa iyong dibdib kung saan ito ay malinaw na senyales na ang magiging “down fall” mo ay ang mga hangal na pakikipagrelasyon sa nabanggit na mga kalalakihan.
Ngunit, kung sa simula pa lamang ng iyong pangingibang-bansa ay naiwasan mo na ang mga tukso ng hangal na mga pakikipagrelasyon sa mga hindi karapat-dapat na lalaki, tulad ng nabanggit na, marami pang pangingibang-bansa ang naghihintay sa iyong kapalaran na siguradong aani ng mga kasaganahan at mga pagpapala sa iyong buhay. Ayon sa iyong Travel Calendar, ang mga pangingibang-bansang nabanggit ay inaasahang magaganap at tuluy-tuloy na ngang itatala sa iyong karanasan ngayong 2019, sa edad mong 28 pataas.




Comments