Alamin mula kay Maestro… MGA TAONG KAILANGANG IWASAN NG MGA DRAGON



Tandaang, ikaw ay mapabibilang sa Year of the Dragon kung ikaw ay isinilang noong mga taong 1928, 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000 at 2012.
Kung ikaw ay Dragon na isinilang noong 1964, kailangang maging mapagpasensiya at matiisin ka ngayong 2019 upang datnan ka ng mas maraming suwerte at magagandang kapalaran. Sa pag-ibig, pakikipagrelasyon at pakikisalamuha sa kapwa, hindi ka rin basta-basta dapat magtiwala, lalo na sa panlabas na anyo kundi ang dapat mong matutunang basahin ay ang motibo at laman ng puso ng taong iyong makahaharap at makakausap upang hindi ka maisahan o mapaglamangan.
Hindi ka rin dapat makisakay sa mga bagay na uso at pinag-uusapan, sa halip, susuwertehin ka at magtatamo ng mas marami pang magagandang kapalaran kung ngayong Taon ng Baboy ay pananatilihin mo ang makaluma at konserbatibo mong style.
Kung ikaw ay Dragon na isinilang noong 1976, ngayong 2019, maraming pagbabagong magaganap, pero sa mga pagbabagong ito, anuman ang maging resulta, hindi ka dapat magmadali at mag-alala, sa halip, panatilihin mo ang dati mong ugali na relaks at hindi atat.
Kapag ganyan ka, tulad ng rumaragasang banayad na alon sa dagat, dadalhin ka ng mga pagbabagong magaganap sa dalampasigan ng pag-unlad at ligaya. Dagdag pa rito, may babala rin ng intriga at negatibong tsismis para sa iyo ngayong 2019, kaya iwasan mo ang mga taong “toxic” sa buhay mo, lalo na ang mga mabibilis o walang preno kung magsalita, ang mga taong tsismosa at dalahira ay dapat mo ring layuan. Oo ngayong 2019, hindi ka dapat dumikit o makisama sa kanila upang hindi ka mapahamak.
Kung ikaw ay Dragon na isinilang noong mga taong 1928 at 1988, ngayong 2019, hindi ka dapat makisawsaw sa mga nangyayari sa iyong kapaligiran na wala namang kaugnayan sa iyong negosyo, career o hanapbuhay, sa halip, mag-concentrate ka lang sa mga ginagawa mo sa kasalukuyan at hindi ka dapat makilahok sa mga bagay na wala namang kaugnayan sa iyong career o sa mga bagay na iyong pinagkakaperahan. Sa ganyang paraan, hindi ka namomolitika at nakikihalubilo sa magulong takbo ng lipunan, tuluy-tuloy ang iyong suwerte at magandang kapalaran ngayong Taon ng mga bulugang Baboy.
Sa pag-ibig, hintay-hintay lang dahil ngingiti rin sa buhay mo ang masaya at masarap na romansa, bago matapos ang taong 2019 na ikagugulat ng iyong mga labi at masosorpresa ka talaga.
Kung ikaw ay Dragon na isinilang noong mga taong 1940 at 2000, kung noong nakaraang taong 2018 ay hindi ka makahinga at medyo naguguluhan ka sa mga pangyayaring naganap, ngayong 2019, parang galing sa ilalim ng dagat, makahihinga ka na nang maluwag na may masarap na pagbubuntung-hininga. Sariwang hangin ang iyong malalanghap at matatamasa na may hatid na kakaibang suwerte at ligaya na may kaugnayan sa pag-ibig, damdamin at materyal na bagay. Marami ring mga biglaang karangalan at pagkilala kang matatanggap at habang sumisikat ka sa sirkulo ng lipunang iyong kinabibilangan, may mga lihim at lantarang magkakagusto sa iyo na lalong ikatutuwa at ikasisigla ng iyong pagkatao at sa sandaling dumating ang bultu-bultong suwerte na may kaugnayan sa materyal na bagay, huwag na ‘wag mong kalilimutang mag-ipon dahil ang iipunin mo ngayon ay tiyak na madodoble at darami sa susunod pang mga taon hanggang sa lumago na ang iyong mga kabuhayan at ari-arian.
Kung ikaw ay Dragon na isinilang noong mga taong 1952 at 2012, ngayong 2019 ay maglalalabas ka ng bahay at pilitin mong sumigla at lumakas ang iyong katawan dahil nakasalalay ang iyong suwerte sa pisikal at kundisyon ng iyong isipan. Ibig sabihin, kapag palagi kang “on-the-go”, masigla at matikas ang iyong pangangatawan, kasabay naman nitong darating ang iba’t ibang suwerte sa iyong buhay.
Kapag tumamlay ka naman, paniguradong tatamlay din ang pasok ng magandang kapalaran sa iyong karanasan. Kapag palagi kang masigla, matikas ang pakiramdam at masaya, may pag-angat ng kabuhayang magaganap at dagdag na ligayang pang-emosyunal ang sisilid sa iyong pagkatao ngayong Taon ng mga bulugang Baboy.
(Itutuloy)




Comments