top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pagtuturo sa paaralan ng mga paraan para masugpo ang human trafficking, oks!

  • Win Gatchalian
  • Mar 7, 2019
  • 2 min read

PANAHON na para mabigyan ng prayoridad at atensiyon ang pagsugpo ng human traffic­king o ang pangangalakal ng isang indibidwal para pagsamantalahan at abusuhin sa pama­magitan ng sapilitang pagtatrabaho at pagpapa­kasal, prostitusyon, panlilimos, pagbebenta ng mga laman-loob ng tao at iba pa.

Nakalulungkot ang ganitong mga sitwasyon. Sa murang pag-iisip ng mga bata, nasisira ang pampisikal, emosyunal, intelektuwal at moral na aspeto ng kanilang buhay dahil sa mga kinasa­sangkutang gawaing-iligal. Hindi man sila ang may kagustuhang maranasan ang krimeng ito, hindi maipagkakaila ang katotohanang hadlang ito tungo sa posible sanang magandang kinabu­ka­sang naghihintay para sa kanila.

Iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong 2014 na mayroon itong tinutulungang 1,824 bilang ng mga biktima ng human trafficking.

Noong 2000, pinagtibay ng United Nations (UN) ang protocol upang mapigilan, ma­sugpo at maparusahan ang pagkalakal ng tao, lalo na ang kababaihan at kabataan sa Pa­lermo, Italy.

Ang naunang pandaigdigang ka­sun­duan ay tinawag na United Nations Con­ven­tion against Transnational Organized Crime kung saan ang layunin nito ay maisaayos ang pakiki­pagtulungan ng mga bansa sa pagsisiya­sat at pagreresolba sa nasabing isyu.

Layon din ni­tong protektahan at tulungan ang mga naging biktima na lubos na hina­hangad ang bu­ong pag­galang ng iba sa kanilang kara­pa­tang-pantao.

Kailangang magkaroon ng lakas ang mga bata laban sa kasamaan ng human trafficking. Kaya naman, ipinanunukala natin sa Senado ang Senate Bill No. 992 o Human Trafficking Preventive Education Program. Naniniwala ta­yong ang karunungan sa pamamagitan ng edukasyon ang siguradong makatutulong para maprotektahan ang kanilang mga sarili sa nakaambang panganib at pananamantala.

Naniniwala tayong mahalaga ang paglagay sa kurikulum ng mga paaralan para sa mga mag-aaral ang edukasyon tungkol sa human traffic­king tulad ng idinudulot nitong mga panganib at kung paano mapoprotektahan ng gobyerno ang mamamayan mula rito.

Ang mga estudyante sa junior, senior high school, kolehiyo, unibersidad at technical-voca­tional institution ay tuturuan ng proactive hu­man trafficking reporting na mekanismo, sa tulong ng school-based program na isasagawa ng Department of Education (DepEd), Com­mission on Higher Education (CHEd) at Tech­nical Education and Skills Development Au­thority (TESDA).

Sa pamamagitan ng Inter-Agency Council against trafficking, ituturo at ipaaalam sa mga estudyante ang kanilang mga karapatan tungkol sa labor o papasukang trabaho, seguridad, pa­nga­nib ng international at domestic human trafficking at iba pa.

Sa tulong naman ng barangay council, isang community-based program sa patnubay ng Council for The Welfare of Children ang ilalatag upang maturuan at maprotektahan ang mga kabataan. Ang kagandahan nito, mapag-aala­man natin ang mga suspetsa o kumpirmadong biktima sa barangay o paaralang ito sa tulong ng mga guidance counselor, social worker at iba pang staff.

Pagsasanib-puwersa at pagkakaisa ang kinakailangan ng bawat isa kabilang na ang civil societies, non-governmental organizations at iba pang stakeholders upang mapigilan ang paglaganap ng human trafficking. Higit sa lahat, sapat at tamang edukasyon pa rin ang pangu­nahing tulay na maghahatid sa seguridad ng kabataan!

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page