Alamin mula kay Maestro… IBA’T IBANG MGA BIYAYA NA MAKUKUHA NG DRAGON NGAYONG TAON NG MGA BABOY
- BULGAR

- Mar 7, 2019
- 2 min read


SA 12 animal signs na naglakbay sa palasyo ni Lord Buddha, sinasabing ang Dragon ang pinaka-popular, kamangha-mangha ang pagkatao at may dating. Dagdag pa rito, ang mga Dragon din ang isa sa pinakamapalad at masuwerteng animal sign.
Kaya ngayong 2019, walang duda, ang mga taong isinilang sa animal sign na Dragon ay siguradong huhulugan ng maraming suwerte at magagandang kapalaran.
Kung noong nakaraang taon ay madamot ang kapalaran sa Dragon, ngayong taon, ang magandang kapalaran ay galante at bultu-bulto ang dating. Kung may mga suwerteng kapalaran na ang dumating noong nakaraang taon, mas marami pang buwenas at magagandang oportunidad na pagkakakitaan ang sabay-sabay at hindi matapus-tapos na darating sa Dragon ngayong taon.
Kaya naman ‘yung mga Dragon na iniiwasan ang lipunan at hindi masyadong lumalabas ng bahay ay dapat lang na lumabas ngayong 2019 dahil tulad ng nasabi na, maraming nagkalat na suwerte sa daan na madali lang nilang pupulutin kung saan ito ay sadya at matagal ng inilaan sa kanila ng langit.
Tunay ngang kung noong nakaraang taon ay hindi makakilos ang Dragon, ngayong Taon ng mga Baboy, tuluy-tuloy at malaya na nilang magagawa ang lahat ng kanilang mga balak at pangarap sa buhay na madali niyang maisakakatuparan bago matapos ang taong 2019.
Hindi lang sa mga proyekto at pangarap magtatagumpay at sisigla ang buhay ng Dragon, bagkus, kung tameme o matamlay ang love life nila noong nakaraang taon, tiyak na sisigla ang romansa at masasarap na karanasan sa pag-ibig ang siguradong matitikman ng naglalaway na Dragon.
Kaya sa pag-ibig, kung hindi ka masaya noong nakaraang taong 2018, ngayong taong 2019, ito ang panahon upang pasiglahin mong muli ang iyong love life. Kalimutan mo na ang nakaraang kabiguan at magsimula ka ng mas masaya at bagong pakikipagkaibigan na siguradong mamumunga ng ligaya at tagumpay.
Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, magiging maligaya naman ang karanasan ng mga Dragon, kaya mainam ding mag-asawa o magpakasal ngayong Taon ng mga Baboy, lalo na kung ang kanyang makaiisang dibdib ay ang kapwa niya Dragon, Unggoy, Tandang o kaya ay Daga.
Paborable namang mag-asawa, magpakasal o kaya ay mag-honeymoon ang Dragon higit lalo kung isasagawa ito sa mga buwan ng Abril, Agosto, Setyembre at Disyembre.
Sadyang magiging paborable na panahon sa Dragon ang mga araw mula sa ika-4 ng Abril hanggang sa ika-10 ng Mayo, mula sa ika-1 ng Agosto hanggang sa ika-31 ng Agosto, mula sa ika-1 ng Setyembre hanggang sa ika-28 ng Setyembre at mula sa ika-25 ng Nobyembre hanggang sa ika-28 ng Disyembre.
(Itutuloy)




Comments