Malinaw ayon sa palad... BEBOT NA NAKATAKDANG SUYUIN NG NANLALAMIG NA BF
- BULGAR

- Mar 7, 2019
- 3 min read

KATANUNGAN
Grabe ‘yung boyfriend ko, noong hindi pa niya ako nagagalaw ay mahal na mahal daw niya ako, hindi niya ako iiwan at pakakasalan daw niya ako, pero ngayon, kahit pasahan ko siya ng load, hindi man lang siya nagte-textback sa akin. Hindi na kaya niya ako mahal?
Nagtatrabaho sa kasalukuyan ang boyfriend ko at siya ay supervisor sa company ng plastic at nasa sales department siya kaya madalas siyang madestino sa kung saan-saang lugar. Kapag bumabalik siya, sa Maynila ko lang siya nakakausap at ang idadahilan niya ay hindi siya naka-reply sa mga text ko dahil out of coverage area raw siya palagi.
Pero alam n‘yo, Maestro, sa totoo lang, nayayamot na ako sa ganitong sitwasyon namin. Ano ang dapat kong gawin, dapat na ba akong makipag-break sa kanya kahit na siya ang nakauna sa aking pagkababae?
Ano kaya ang nakaguhit sa aking mga palad, kami na kaya ang magkakatuluyan o mas mainam na makipag-break na lang ako at humanap ako ng ibang lalaking magpapahalaga sa akin at seseryoso?
KASAGUTAN
Tandaang, kaya nakikipagrelasyon ang tao ay para mawala ang pangungulila, sumaya, may makausap at makaramay sa mga problema.
Pero, kung imbes na saya ay lungkot ang nangyayari sa relasyon mo sa iyong nobyo at siya pa ang nagiging dahilan ng iyong problema, tama lang kung didispatsahin mo na siya at humanap ka na ng ibang lalaki na sa iyo ay magmamahal ng totoo.
Tama lang, Jean, na makipag-break ka na sa kasalukuyan mong boyfriend upang minsan pa sa sandaling nawala ka sa buhay niya at nagkataong mahal ka pala talaga ng boyfriend mo, malay natin na baka sa puntong ‘yun ay maramdaman man lang niya ang tunay mong halaga sa buhay niya.
Kaya lang ang problema, Jean, ganito ang nais sabihin ng guhit ng iyong palad kung saan hindi na kayo magbe-break ng boyfriend mo. Ito nga at wala ng iba ang nais ihayag ng maganda at matatag na kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) na sinuportahan din ng maayos at magandang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na sa sandaling muli kayong nagkausap nang seryoso, tiyak na ang magaganap, hindi matatapos ngayong Marso o kaya ay sa susunod na buwan ng Abril, walang duda, muli kayong magkakasundo at magiging maligaya.
Kasabay ng papainit na panahon ngayong nalalapit na ang summer vacation at busy na ang mga tao na mag-isip kung saan sila magsu-swmming at mamasyal, hindi na nga mapipigil pa, muling mabubuo at lalo pang iinit ang inyong dating nanlamig na relasyon upang minsan pa, kapwa ninyo salubungin ang panahong ito ng tag-araw, sa mainit at maligayang pagmamahalan.
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Jean, sa sandaling naramdaman ng boyfriend mo na nayayamot at naiinis ka na sa kanya at balak mo ng makipag-break, tiyak ang magaganap, kusa siyang hihingi sa iyo ng paumanhin at isa pang pabor upang magkausap kayong dalawa.
Sa inyong masinsinang pag-uusap, isa lang ang inyong mapagkakasunduan at ito ay ang pasiglahing muli at pag-ibayuhin ang inyong relasyon na sa bandang huli, sa ayaw at sa gusto ninyo, ang takdang kapalaran pa rin ang matutupad – kayo na nga ang magkakatuluyan at magsasama sa pagbuo ng maunlad at masayang pamilya, habambuhay (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at h-h arrow b.).




Comments