Sila raw ‘yung tipo ng taong madaling ma-fall... KAALAMAN TUNGKOL SA PAGIGING MARUPOK NG MGA DRAGON
- BULGAR

- Mar 6, 2019
- 2 min read


SA pag-ibig at emosyon, bihira sa mga Dragon ang nagtatago ng damdamin, sa halip, sila ay matatawag na “totoo”. Kaya kung napusuan ka ng Dragon, walang pagkukunwaring totoong-totoo talaga ang nadarama niya para sa iyo. Ang problema nga lang, hindi rin naiiwasan ng Dragon ang magpabagu-bago ng isipan at damdamin na nagiging dahilan kung bakit gumugulo at nauunsiyami ang masayang love life na nakatakda sana nilang maranasan.
Samantala, sa kabila ng pagiging tahimik at mapag-isa ng mga Dragon sa mura o bata nilang edad kadalasan ay nai-in love na kaagad sila, kaya kung hindi pipigilin ang matinding udyok ng bugso ng damdamin, may posibilidad na maaga silang makapag-asawa.
Ang isa pang totoong ugali ng Dragon kapag umibig sila ay minsan lang, kaya kung hindi nila makatutuluyan ang kanilang first love, malamang na maging binata ang Dragon, habambuhay.
Dagdag pa rito, minsan lang din silang magtampo o magalit sa kanilang minamahal, subalit, ang minsang ito ay maaari ring humantong sa panghabambuhay. Kaya kapag nagkasala ka sa Dragon, malamang na hindi na niya ito makalimutan kailanman at kung sakaling patatawarin ka niya ay malabo ng bumalik pa ang dating pagtitiwala niya sa iyo.
Samantala, iba rin kung mangarap ang Dragon sapagkat kahit na malayo sa katotohanan kung titingnan ng ibang tao, ang matataas at kakaibang pangarap ng mga Dragon at kahit pa sabihin nating sintaas ng kastilyong buhangin, nakapagtatakang nagagawa nilang magiging totoo ito, maliban nalang kung ang kanyang magiging ka-partner sa buhay ay maniniwala sa kanya. ‘Yun nga lang, kailangan ng Dragon na maniwala sa kanya ang kanyang minamahal at ang lahat ng bagay kahit imposible ay siguradong magagawa ng makapangyarihang Dragon.
Sa pakikipagrelasyon at pakikisalamuha sa kapwa, gustung-gusto ng Dragon na siya ay napakikinabangan. ‘Yun bang palagi siyang tumutulong kung may halimbawa nag-team building o namasyal ang barkada ngayong summer vacation, siguradong isa ang Dragon sa aligagang naghahanda ng pananghalian habang ang kanyang mga kasama ay nagsu-swimming pa sa laot ng dagat.
Kaya nga kapag nakuha mo ang loob ng Dragon, tulad ng nasabi na, mapagkalinga siya at mapagmahal at dahil minsan lang siyang magmahal, ibig sabihin, seryoso at totoo ang kanyang nararamdaman. Kaya naman kapag nabigo ang Dragon, halimbawa binigo ng kaibigan, kasintahan at tadhana, tiyak na ang Dragon ay malulungkot ng sobra-sobra at maaaring hindi na makapag-move on pa kailanman at kung sakaling iibig pang muli ay hindi na magiging maligaya pa kahit kailan dahil nabigo na siya ng minsan.
Tugmang-tugma naman sa Dragon ang tuso, mapang-akit at matalinong Unggoy. Kapwa naman magiging masaya at mabunga ang relasyong Dragon at Daga. Magiging sobrang close naman sa isa’t isa at habambuhay na magiging magkaibigan ang Ahas at Dragon. Hindi naman tugma ang Dragon at ang Aso, gayundin ang Baka at Dragon habang ang relasyong Dragon at Dragon ay may pangako rin ng maunlad, maligaya at panghabambuhay na pagsasama.
(Itutuloy)




Comments