top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Sey ng experts… MGA TAONG ANTUKIN, MAS MABILIS NA PUMAPAYAT!

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 5, 2019
2 min read

MARAMING indibidwal ang sumusubok na magbawas ng timbang sa pamamagitan ng pag-eehersisyo tuwing umaga at pagsunod sa iba’t ibang uri ng diet. Ngunit, may ilang indibidwal na hindi regular na nakapag-eehersisyo dahil mas pinipili nilang habaan pa ang kanilang pagtulog. Sleep over exercise, ganern! Pero, mga besh, knows ba ninyo na ang pagtulog ay may maganda ring naidudulot sa pagpapababa ng timbang? Weh, ‘di nga?

‘Ika nga nila, hangga’t gising ang indibidwal, nagkokonsumo ito ng mas maraming calories kung saan mataas ang posibilidad na maging ‘excess weight’ ang mga ito. Ayon sa pag-aaral, ang mga indibidwal na natutulog mula alas-4:00 ng madaling-araw hanggang alas-8:00 ng umaga ay nagkakaroon ng mas mataas na timbang kumpara sa mga indibidwal na mas maagang natutulog.

Ayon sa mga eksperto, nakaiipon ng mas maraming enerhiya ang indibidwal kung mayroon siyang sapat na tulog. Gayundin, napag-alaman sa pag-aaral na ang calories ay natutunaw kapag nasa ‘resting energy expenditure’ ang katawan kung saan hindi gaanong gumagalaw ang indibidwal. Dahil dito, 20 porsiyento ng calories ang natutunaw sa indibidwal na may sapat na tulog.

Hindi makatutulong ang pagda-diet sa pagbabawas ng timbang kung hindi nakakukuha ng sapat na tulog ang indibidwal. Base sa pag-aaral, ang mga taong mayroong 8 ½ oras na tulog ay mabilis na nakapagbawas ng timbang kumpara sa mga indibidwal na natutulog lamang ng 5 oras pababa.

Sa isinagawang pag-aaral, hinati sa dalawang grupo ang mga kalahok at inatasang gumawa ng “ideal portion size” gamit ang digital plate kung saan malaya silang ilagay dito ang nais nilang service size. Napag-alaman ng mga eksperto na ang mga indibidwal na walang sapat na tulog ay nagkaroon ng 35 karagdagang calories kumpara sa kabilang grupo.

Sey ng experts, hindi nagpa-function nang tama ang utak kung kulang sa tulog ang indibidwal. Sa pag-aaral, gumamit ng brain scan ang mga researcher upang masukat ang brain activity dahil sa pagkonsumo ng mga kalahok ng mga pagkaing mataas ang bilang ng calorie.

Lumabas din sa resulta na nabawasan ang activation sa ventromedial prefrontal cortex kung saan ito ang bahagi ng utak na may kaugnayan sa inhibition at behavior control. Ngayong alam na ninyo ang benepisyo ng pagtulog, huwag na kayong magpuyat, ha?

Sabayan n’yo na rin ng regular na pag-eehersisyo at pagda-diet nang sa gayun ay bongga na ang inyong pagpapapayat.

Copy?

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page