Kaya oks na oks daw kung napabibilang ka sa Year of the Dragon, besh! katotohanan tungkol sa kakaiba



SINASABING bukod sa likas na nagtataglay ng kakaibang suwerte ang mga Dragon ay mapagpumilit at may matalas pa silang pandama kung saan kaya nilang maramdaman ang susunod na mangyayari at magaganap.
Dahil dito, ang kakaibang talas ng intuition na ito ng mga Dragon ang kadalasang nagliligtas sa kanila sa kapahamakan. Kaya naman pumoporma palang ang mga manloloko sa kanilang harapan ay nararamdaman na nila agad ang masamang motibo ng mga taong nagbabalak ng hindi maganda sa kanila.
Sinasabing sa 12 animal signs na ipinatawag ni Lord Buddha sa kanyang palasyo, ang Dragon ang napakahirap utuin, utakan at lokohin kung saan hindi mo siya basta-basta mabobola.
Dagdag pa rito, bukod sa pagiging suwerte, may reserbang lakas ang mga Dragon na itinuturing ding nagtataglay ng katangian ng pagiging emperor.
Ibig sabihin, ang angkin niyang kapalaran at galing ay higit pa sa pagiging hari. Kaya noong sinaunang panahon, masaya at sadyang ipinagdiriwang ng kanilang buong angkan kapag may panibagong Dragon na isinilang sa kanilang pamilya.
Dahil nga noong sinaunang panahon ay itinuturing na suwerte ang Dragon, ang mga magkasintahan ay pinipiling magpakasal sa Year of the Rabbit upang kung mabubuntis ang ipagbubuntis na sanggol ay isisilang ito sa Year of the Dragon.
Hindi lang pagiging emperor ang isa sa mga tinataglay na katangian ng Dragon, sinasabi ring ang mga Dragon ay likas na matulungin at mapagmahal sa kanilang kapwa lalo na sa mga inaapi ng tadhana at sa mga taong wala nang maasahan pa sa buhay.
Dahil dito, may panahon sa buhay ng Dragon na nauubos ang kanyang time at resources sa pagtulong sa kapwa na wala naman siyang hinihintay na anumang kapalit sa ginagawa niyang kusa at walang pag-iimbot na pagtulong.
Kaya pala likas na matulungin at mapagmahal sa kanyang kapwa ang mga Dragon lalo na sa mga mahihirap at kapus-palad, ito palang mga Dragon ay likas na malungkutin at madaling mabagbag ang kanilang puso at damdamin. Dahil sa pagiging maawain nilang ito, hindi nila namamalayan, ito ang nagtutulak upang maubos ang kanilang kabuhayan.
Kaya kung ikaw ay nakapag-asawa ng Dragon, dapat limitahan mo rin ang ugaling ito ng Dragon na sobrang hilig na magkawanggawa.
Bagama’t, maraming kaibigan ang mga Dragon, hindi naman lahat ng kaibigan niya ay tunay at totoo, may mga huwad at manloloko rin siyang kaibigan, pero alam ng Dragon kung sino ang mga tapat at totoong kaibigan kaya sa paglipas ng panahon, unti-unting nababawasan ang mga kaibigan ng Dragon.
Pero, sa sandaling nasuong sa panganib ang buhay ng kanyang kaibigan, ang Dragon ay sobrang maawain at siguradong ililigtas niya ang kanyang kaibigan kahit na ang kapalit nito ay ang sarili niyang kapahamakan.
Ganundin ang ugali ng Dragon sa pakikipagsapalaran kung saan isinusugal niya ang kanyang kaligtasan kapag talagang gustung-gusto niyang gawin o makamit ang partikular na bagay, nangyari ito dahil bukod sa pagiging matulungin, ang mga Dragon ay nagtataglay din ng kakaibang tapang at pambihirang lakas ng loob.
Sabi nga, “the Dragon is sure to rush into those numerous places where even angels fear to tread.”
(Itutuloy)




Comments