top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Calida, kontra sa dagdag-sahod sa mga nurse, tsk-tsk-tsk!

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 1, 2019
2 min read

AYON sa pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sinabihan umano siya ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua sa isang kainan na kapag pinabalik natin ang undocumented Chinese workers nang basta-basta ay pababalikin din umano nila ang mga manggagawang Pilipino sa China. Gayundin, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, mayroong 300,000 OFWs sa China kaya nagpahayag itong pabayaan na lang ang mga Chinese na magtrabaho sa bansa dahil baka “bawian” tayo ng China. Hindi ito tinanggap ng maraming sektor at nagpahayag ang Palasyo na haharap sa batas ng Pilipinas ang undocumented Chinese workers.

Kung lumalabag sila sa mga batas hinggil sa imigrasyon, kung iligal silang nagtatrabaho sa Pilipinas, hindi ba tama lang na arestuhin at ipa-deport sila? Ang sinasabi ba ng pangulo ay pabayaan na lang kahit iligal? Isa pa, ang 300,000 manggagawang Pilipino na nasa China, lahat ba sila ay mga iligal o ligal? Kapag nagpabalik tayo ng mga iligal na manggagawa ay babawian tayo? Hindi ba, kaibigan ang turing natin sa kanila o kaibigan lang kapag sila ang nakikinabang at nakalalamang?

◘◘◘

Ayon kay Solicitor General Jose Calida, wala umanong legal na batayan ang hiling ng mga Pilipinong nurse sa Korte Suprema na ipatupad ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagtaas sa kanilang sahod. Hindi raw sinunod ang tamang proseso para humingi ng tulong sa korte dahil dumiretso ito sa Korte Suprema. Hindi rin daw puwedeng ibigay ang hiling ng mga nurse dahil kakailanganin ding itaas ang sahod ng lahat ng nasa propesyon ng kalusugan tulad ng mga doktor, dentista, med-tech, pharmacist at iba pa. Tila sinasabi na mauubusan ng pera ang gobyerno kung gagawin ito.

Magtataka pa ba tayo kung bakit nag-aalisan ang mga nurse sa bansa? Kung ang mismong gobyerno ang humaharang sa hiling na taasan ang kanilang mga sahod, pero ang pulis at militar ay walang problema kung bigyan ng umento sa sahod at doblehin pa dahil kayang-kaya itong bayaran ng administrasyon at kung masaktan naman sa larangan ng serbisyo, sino ang nag-aalaga sa kanila, hindi ba mga nurse rin?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page