top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Bago pa mahuli ang lahat | Babala sa mga magulang, bantayan ang mga kabataan sa paggamit ng gadgets

Ryan B. Sison
Mar 1, 2019
2 min read

“I will follow my master and I will kill them all”, ganito ang huling mga binitawang salita ng bata na namatay umano dahil sa paglalaro ng Momo Challenge, ang nauusong laro ngayon na bigla na lang umanong sumusulpot sa iba’t ibang social media.

Kung saan maraming kabataan na ang nababalitaang namatay sa iba’t ibang panig ng mundo tulad ng Argentina, Colombia at India.

Gayunman, maging sa United Kingdom at sa ating bansa ay nakapasok na umano ang nasabing challenge kung saan isang 11 years old ang binawian ng buhay matapos uminom ng 20 tableta ng gamot para sa sakit na gout, ito ay dahil sinunod nito ang utos na nakalagay sa laro.

Ayon sa mga magulang ng bata, natuklasan nila ang nasabing challenge matapos nilang mabasa ang pag-uusap ng kanilang anak at ng kaklase nito kung saan may mga kaklase silang naglalaslas din umano dahil sa nasabing challenge.

Dagdag pa rito, may isa pa umanong laro ang nauuso ngayon na tinatawag na Blue Whale Challenge na delikado ring laruin ng mga bata.

Samantala, nakaaalarma ang ganitong pangyayari kaya dapat tayong maging alerto sa ikinikilos ng ating mga anak at hangga’t hindi pa natin nalalaman kung sino ang nasa likod ng nasabing online games, bantayan nating mabuti ang mga bata, lalo na ngayong ibang-iba na ang henerasyon kung saan halos lahat ng tao ay umiikot na ang buhay sa mundo ng teknolohiya.

Kaya ang panawagan natin sa lahat, seryosohin sana natin ang nasabing insidente at huwag na itong gawan pa ng “memes” dahil sa totoo lang, hindi ito makatutulong para ma-secure natin ang kaligtasan ng mga kabataan lalo na ‘yung mga walang kamuwang-muwang.

Maliban pa rito, maging ang ilan pang challenges tulad ng Bird Box Challenge, Ice Bucket Challenge, In My Feelings Challenge ay naging delikado rin umano para sa atin, kaya ang paalala natin na mas mainam kung pag-iisipan munang mabuti bago makisali sa mga nauuso sa internet.

Sa ngayon, iniimbestigahan na rin ng mga awtoridad ang nasabing isyu at hiling natin na sana ay wala ng mabiktima pang bata sa buong mundo.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page