Malinaw ayon sa birthday... CONSTRUCTION WORKER NA NAKATAKDANG UMASENSO KUNG LILIPAT NG TRABAHO
- BULGAR

- Feb 28, 2019
- 2 min read
Dear Maestro,
Konstruksiyon worker ako at ‘yung engineer namin ay nangongontrata ng mga project. Ang problema, hindi siya nagpapasahod ng regular sa amin, sa halip, ay puro bale lang ang kaya naming gawin.
Gusto kong itanong ay kung aalis ako rito, paano ko makukuha ‘yung kabuuan kong suweldo, kung hindi naman ako aalis hanggang kailan ako maghihintay na puro bale na lang ang sahod?
Ano ang gagawin ko? Nalilito na ako ngayon dahil madalas ay inaaway na ako ng aking asawa kapag kulang ang aking iniintrega.
Kung lilipat ako ng ibang trabaho at aalis ako rito, susuwertehin ba ako at makahahanap pa kaya ako ng trabaho na regular ang pasuweldo? January 17, 1988 ang birthday ko.
Umaasa,
Arnold ng Sulipan, Apalit, Pampanga
Dear Arnold,
Tama ang iniisip mo, umalis ka na sa kasalukuyan mong trabaho dahil imbes na maibigay sa iyo ang kabuuan mong suweldo, lalo lang darami ang utang sa iyo ng iyong employer o ng may-ari ng kumpanya o construction company na pinaglilingkuran mo dahil sa diskarte nilang pabale-bale lang ang ginagawang pagpapasuweldo at kapag hindi ka umalis sa kasalukuyan mong trabaho, tunay ngang walang pagasensong mangyayari sa iyo.
Kung saan ayon sa birth date mong otso o eight (dahil ang 17 ay 1+7=8) sa zodiac sign mong Capricorn at sa destiny number mong nagkataong otso (8) rin (1+17+ 1988=2006/ 20+06=26/2+6=8) kung aalis ka na ngayon sa iyong trabaho at maghahanap ka ng bagong trabaho, madali kang matatanggap sa malaking kumpanya na may kaugnayan din sa konstruksiyon at kapag nagtagal-tagal ka roon at nagkaroon ka ng skill o sapat na kaalaman, mapo-promote ka rin at lalaki ang iyong suweldo.
Kung saan sa pagtitiyaga at pagiging masinop sa pagtatrabaho, darating ang saktong panahong makaaahon ka rin sa kahirapan hanggang sa makapangibang-bansa at sa malayong lugar kung saan malayo sa sinilangan mong bayan, doon ka tiyak at lubusang uunlad hanggang sa tuluyan na ring yumaman na siya ngang kapalarang nakatakda sa mga taong otsong tulad mo.
At kung tuluy-tuloy kang lalayo at aalis sa sinilangan mong bayan, sa malayong lugar ka magtatayo ng sarili mong pamilya, negosyo at kabuhayan, tulad ng naipaliwanag na, dapat gawin ng taong otso na tulad mo, tiyak ang magaganap, tuluy-tuloy nang uunlad ang inyong kabuhayan hanggang sa yumaman ka na tinatayang magsisimulang mangyari sa taong 2039, sa edad mong 51 pataas.




Comments