KINGS-PASIG NAKABAWI, KAMPEON SA 3X3 CUP

NAKABAWI ang Grindhouse Kings-Pasig sa kanilang pagkatalo sa 1Bataan Risers noong nakaraang linggo at nakamit ang kampeonato sa ikalawang yugto ng Chooks To Go Pilipinas 3X3 President’s Cup sa SM Megamall kahapon.
Ipinasok ni Joshua Munzon ang malayong dalawang puntos sa gitna ng mahigpit na depensa upang wakasan ng maaga ang laro na may 1:27 nalalabi kontra sa kampeon sa unang yugto noong nakaraang linggo, 21-18, at ibulsa ang gantimpalang P100,000.
Binuhos ng Grindhouse ang huling 5 puntos ng laro matapos ibigay ni Anton Asistio ang kalamangan sa huling pagkakataon sa kamay ng mga Risers, 18-17.
Tinabla ni Taylor Statham ang talaan at sinundan ito agad ng agaw para sa isa pang puntos ni Dylan Ababou para ilapit ang Grindhouse sa kinakailangang 21 puntos, 20-19, at 1:40 sa orasan.
Winalis ng Grindhouse ang kanilang dalawang laro noong elimination round kontra sa Zamboanga Valientes, 21-10, at Zark’s Burger-Quezon City, 21-12.
Ngunit, malaking hamon ang nalampasan nila sa semifinals laban sa Vigan Baluarte Wolves, 20-19, kung saan isinalba sila ng kanilang depensa sa huling minuto ng laro.
Sa una, mukhang handa nang maka-dalawang sunod na kampeonato ang Risers sa pinakita nilang talas sa elimination round kontra Bulacan Kuyas at Max4 Birada-Cebu na nagtapos sa parehong 21-10 na talaan.
Sa semifinals, winakasan ng 1Bataan ang kampanya ng Go For Gold-San Juan Knights, 21-15.
Sa side events, hindi nadepensahan ni Ababou ang kanyang korona sa Three Point Shootout matapos siyang talunin ni Jan Jamon ng Valenzuela Classic, 6-5.
Lumundag sa dalawang tao si Joe Gomez de Liano upang maging kampeon sa Slam Dunk. Ang susunod na yugto ng President’s Cup ay sa SM Fairview sa Marso 1 (Biyernes).
Titingnan kung may ikatlong koponan ang wawasak ng dominasyon ng 1Bataan at Grindhouse, ang nabubuong magkaribal sa bagong tatag na liga ng 3X3.





Comments