Kabayo, Baboy, Aso, Tandang, Daga at Tupa... MGA ANIMAL SIGN NA KA-COMPATIBLE NG TIGRE SA PAKIKIPAGR
- BULGAR
- Feb 21, 2019
- 3 min read

SA pag-ibig at pakikipagrelasyon dahil masyadong totoo ang Tigre sa kanyang sarili, kadalasan ay hindi sinasadyang naiisahan siya ng mga lalaking mapagsamantala. Ibig sabihin, kung ikaw ay babaeng Tigre, malamang na bago ka maging maligaya sa larangan ng pag-ibig ay maiisahan o madaraya ka muna ng mga manlolokong lalaki.
Ang isa pang problema kung minsan ay pabigla-bigla kung umibig ang Tigre, kaya kapag hindi niya naawat ang kanyang sarili, tulad ng nasabi na, maaaring mauwi sa wala ang mga pagkikipagrelasyong kanyang mararanasan.
Kaya kung ikaw ay Tigre, dapat kung iibig ka o magmamahal, huwag kang sobrang tanga, atat at gigil dahil ang ugali mong ‘yan, ang tiyak na magpapahamak sa iyo.
Sa halip, hayaan mong maging magkaibigan muna kayo sa simula. Hayaan mong unti-unti kayong magkakilalang mabuti, magkahulugan ng loob kahit na medyo mahabang panahon kayong nagliligawan dahil sa ganyang paraan, hindi mo hinahablot nang mabilis ang pag-ibig at hinayaan mo itong kusang mahinog sa sanga ng pagmamahalan at kapag nagdahan-dahan at unti-unting na-develop, sa ganu’ng sitwasyon lamang makasusumpong ang Tigre ng masarap, maligaya at panghabambuhay na pakikipagrelasyon.
Kaya kung balak mong suyuin o ligawan ang Tigre, madali lang upang mapaniwala mo siya at mahulog ng tuluyan ang kanyang loob sa iyo. Ano ang gagawin mo? Simple lang, palagi mo siyang pansinin, halimbawa, i-like at pusuan mo ang bawat post niya sa kanyang wall sa FB o iba’t ibang social media accounts. Sa ganyang simpleng paraan, walang duda, unti-unting gagaang ang loob sa iyo ng Tigre hanggang sa tuluyan na siyang mapamahal sa iyo at kapag dumating ang sandaling nawala ang likes at puso mo sa post niya, makikita mo, bigla ka niyang mami-miss at hahanap-hanapin hanggang sa hindi na niya mapigil ang kanyang daliri at makikita mo, magpi-PM siya sa iyo upang kumustahin ang iyong kalagayan.
Ka-compatible ng Tigre ang Kabayong mabilis magpaikot ng kausap at mambola. Gustung-gusto naman ng Tigre ang binobola at inuuto siya nang pasimple. Sinasabi ring ang pagsasama ng Kabayo at Tigre ay talagang mapupuno ng kasiyahan, iba’t ibang gimmick at paglalakbay. Maisasabuhay din ng Tigre at Kabayo sa kanilang masarap na relasyon ang tinatawag na “live life to the fullest”.
Ang relasyong Tigre at Baboy ay ayos din dahil maipadarama ng Baboy ang seguridad na hinahanap ng Tigre sa buhay niya at magiging panatag ang kalooban ng Tigre kapag kasama niya ang Baboy.
Ang praktikal, masayahin, makuwento at komikerong Aso ay bagay na bagay din sa malungkutin at mapag-isang Tigre. Dagdag pa rito, kahit mahirap intindihin ang ugali ng Tigre, kayang-kayang sakyan ng Aso ang mga kaartehan at kadramahan sa buhay ng Tigre.
Habang, puwede na ring pagtiyagaan ang relasyong Tigre, Daga, Tandang at Tupa o Kambing kung sadyang naubusan na ng makarerelasyon o mamahalin ang nabo-boring na Tigre.
Hindi naman katugma ng Tigre ang tusong Ahas na palaging pinaghihinalaan ng Tigre na siya ay inuuto, binobola at nilalamangan lamang ng nagkukunwaring mabait na Ahas. Gayundin, ang Unggoy ay hindi pupuwedeng makasama ng Tigre, lalo na sa mahabang panahon dahil mabibisto kaagad ng Tigre na sa simula pa lamang ng kanilang ugnayan ay may plano na siyang lokohin ng Unggoy.
Ang tahimik, masipag at down-to-earth na Baka ay hindi naman makatatagal sa walang direksiyong buhay ng Tigre habang ang Tigre namang nakisama ng matagal na panahon sa Baka ay makararanas ng mga pagdurusa, tiisin at kawalang ligaya.
(Itutuloy)
Comments