Alamin mula kay Maestro... KAALAMAN TUNGKOL SA KAKAIBANG UGALI NG MGA ISINILANG SA YEAR OF THE TIGER
- BULGAR

- Feb 19, 2019
- 2 min read

BUKOD sa likas na masuwerte sa anumang uri ng pakikipagsapalaran, sinasabing ang Tigre ay sobrang optimistic sa buhay. Tunay ngang kahit na may mabibigat na problema silang pinagdaraanan ay alam ng Tigre na ang lahat ng ito ay kayang-kaya niyang lagpasan.
Nangyayaring natatakasan kaagad ng Tigre ang mga problema niya sa buhay na kadalasan ay siya rin naman ang may gawa.
Ito ay dahil mahilig mag-eksperimento at mag-iba ng diskarte ang Tigre. Halimbawa, kung ang lahat ay dumaraan sa kanan, ang gusto ng Tigre ay sa kaliwa siya dumaan.
Ibig sabihin, ayaw ng Tigre ang pangkaraniwan o conventional na paraan dahil ang totoo, ang Tigre ay may sariling style, hindi lamang sa pananamit o sa pagluluto ng pagkain, bagkus, ang Tigre ay may sariling style na hindi kinopya sa pangkaraniwan, lalo na sa kanilang pagdedesisyon sa buhay, gayundin sa larangan ng pag-ibig at pamamalakad ng pamilya.
Kaya kapag nakakita ka ng pamilya na iba ang estilo ng mag-anak kung ikukumpara sa mga pangkaraniwang pamilya, siguradong isa sa kanilang magulang ay nagtataglay ng animal sign na Tiger.
Bagama’t, sobrang optimista at may sariling diskarte o style, ang malaking problema ng Tigre ay ganito, may mga sandali na hindi siya makapagdesisyon, bantulot siyang kumilos at nag-aalinlangan na hindi niya alam kung bakit siya nagkakaganu’n.
Dahil dito, may mga sandali na pabugsu-bugso ang kanyang damdamin, bugnot ang pakiramdam na nagiging sanhi ng kanyang hindi sinasadyang pagiging marahas.
Ang pagiging marahas ng Tigre ay napagkakamalang iba lalo na ng kanyang mga kasama at mga taong malalapit sa kanya bilang pagrerebelde sa nakatataas o sa awtoridad.
Pero, hindi naman niya ito “mean” o sinasadya, bagkus, kaya lang niya ito nagagawa ay dahil madalas siyang nakararanas ng pagkabagot sa buhay at feeling niya ay dapat ng baguhin ang lahat ng nangyayari sa kasalukuyan.
Kaya kung ikaw ay magulang at mayroon kang anak na Tigre at dumating sa punto ng kanyang buhay ang pagrerebelde, imbes na pagalitan mo siya, ang mas dapat mong gawin ay unawain siya sa kanyang ginagawa at anumang pagrerebelde ang ginagawa niya, ipaliwanag mo sa kanya na malaya niya itong magagawa sa pamamagitan ng pag-e-express sa “arts” at iba pang “creative activities”.
Sa ganitong diskarte, maiiwasan ang mapanganib na pagrerebelde ng Tigre, sa halip, dahil ang enerhiya sa parerebelde ay magaang na nailipat sa iba’t ibang uri ng likhang-sining, walang duda, ang mga likha, gawa, skill o anumang talento na tinataglay ng Tigre ay siguradong kikilalanin at hahangaan sa lipunang kanyang ginagalawan na magdadala sa kanyang pamilya sa malaking recognition at tagumpay.
Madalas ding kapag tinatanong mo ang Tigre, hindi siya ‘yung tipo ng mga pangkaraniwang tao na sumasagot lang ng “oo” o “hindi”, bagkus, para sa kanya, boring o walang kuwenta ang ganu’ng kasagutan. Kaya mas madalas kapag hiningan mo ng opinyon ang Tigre, walang kagatul-gatol ang kanyang dila, “no comment” ang kanyang magiging tugon o kaya ay “tingnan natin at susubukan ko”!
Dahil para sa Tigre, ang mga bagay na pangkaraniwan at luma na ay walang kakuwenta-kuwenta dahil para sa kanya, kung siya lang ang masusunod, dapat nang baguhin ang lumang sistema, palitan na ang lumang daigdig at ngayon pa lang ay magsimula na tayo ng bago, mas maayos, tahimik at mas maligayang mundo para sa susunod pang mga henerasyon.
(Itutuloy)




Comments