top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Tandang, Daga at Ahas... ANIMAL SIGNS NA KA-COMPATIBLE NG MGA IPINANGANAK SA YEAR OF THE OX

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 14, 2019
2 min read

SA larangan ng negosyo, kabuhayan at pangangalakal, sinasabing hindi lang matatag na kabuhayan ang kayang buuin at itayo ng Baka, sa halip, kaya rin nilang makapagpatayo ng dynasty at imperyo nang patung-patong na kayamanan.

Nangyari ito dahil sa 12 animal signs, isa ang Baka sa pinakamusay at pinakamagaling humawak ng pera at sa larangan ng pagnenegosyo at pagpapalago ng kabuhayan ay talaga namang napakahusay ng Baka.

Dagdag pa rito, inaasahang magtatagumpay din ang Baka sa larangan ng pakikidigma dahil may pambihira silang lakas ng loob at katapangan. Magiging mahusay din silang hukom dahil sa talas ng kanilang isip sa pagpapasya at mapaiiral nila ang katarungan ng walang kinikilingan.

Puwede rin silang maging matagumpay na bangkero dahil pagkakatiwalaan sila ng mga negosyante at may kakayahan silang makahatak ng maraming investors.

Aasenso rin ang Baka sa pagtatayo ng negosyong insurance dahil nauunawaan nila ang natural na batas ng kalikasan at hindi mapapasubaliang pangyayari sa ibabaw ng mundo na ang lahat ng bagay ay walang kasiguraduhan at ang lahat ay pansamantala lamang.

Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, sa 12 animal signs sinasabing ang Baka ang pinakamadalang o bihirang makaranas ng tinatawag na “love at first sight”, pero hind ibig sabihin nito ay matagal o madalang silang ma-in love. Bagama’t, sa umpisa ay inosente sila sa pakikipagrelasyon, ang Baka ay sadyang pangmatagalan at seryosohan.

Gayunman, hindi talaga romantiko ang Baka kung ikukumpara sa Aso, pero umiibig din sila ng tapat at totoo, ‘yun nga lang, sobrang bagal niyang naipadarama sa kanyang napupusuan ang kanyang tunay na nararamdaman. Kaya kung minsan, hindi naman sa nakababatong kasama ang Baka, sa halip, hindi lang talaga siya “showy” sa larangan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon.

Bagay sa mga Baka ang awiting “pusong-bato”, ngunit, ang ikahahanga mo sa kanila, kahit na sila ay may pagkapusong-bato, tapat at sobrang tindi naman nilang magmahal dahil sa buong buhay nila hindi sila naging “unfaithful lover”.

Oo naman, wala sa bokabularyo nila ang mangaliwa at lokohin ang kanilang minamahal. Sa totoo lang, kapag umiibig ang Baka at nakipagrelasyon habang tumatagal, lalo silang nagiging tapat at totoo sa kanilang minamahal.

Sinasabi ring mabagal magmahal at umibig ang Baka, kaya kapag nagkasala ka sa kanya, asahan mong sobrang tagal din niyang magpatawad at lumimot sa mga nagawa mong kasalanan at pagkakamali.

Bagay na bagay sa Baka ang Tandang na tulad din niyang seryoso, masipag at masikap sa lahat ng bagay. Ang sobrang mapagmahal na Daga at ang tusong Ahas ay tugmang-tugma rin sa Baka.

Ang maharot na Aso ay hindi naman tugma sa seryosong Baka dahil mabo-boring lang ang Aso kapag kasama niya ang seryoso at napakatahimik na Baka.

Lalong hindi sasakto sa Baka ang pabagu-bagong isip at damdamin ng Kambing o Tupa. Hindi rin maaaring magsama ng matagal na panahon ang Tigre at Baka sa iisang bubong dahil tiyak na hindi sila magkakasundo, sa halip, magkakatampuhan at malamang na mag-away lang sila.

(Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page